LPG safety law lusot sa Bicam
MATAPOS ang 18 taon at pitong Kongreso, magiging ganap na batas na ang panukalang regulasyon para sa industriya ng liquefied petroleum gas (LPG) na magtitiyak sa kapakanan at interes ng mga konsumer laban sa ilegal na pagre-refill, mababang kalidad, at depektibong tangke.
Inaprobahan ng Bicameral conference committee noong Martes, 13 Hulyo, ang panukalang LPG Industry Regulation Act na magtatakda ng alituntunin at pamantayang dapat sundin ng domestic industry players, pati ang pagtatatag ng cylinder exchange and swapping program para makabili ng LPG kahit iba ang brand ng dalang tangke.
“Ngayong may napagkaisahang bill para pamahalaan ang buong LPG industry, mapupunan nito ang mga regulatory gaps na naging balakid sa industry players at mapapalakas ang iba’t ibang regulasyong ipinatutupad ng gobyerno.
“Higit sa lahat, ito’y magtatalaga ng safety standards na unti-unting mag-aalis sa merkado ng mga depektibong tangke para lalo pang mabigyan ng proteksiyon ang mga konsumer,” pahayag ng Senate Energy Committee Chairperson.
Naging maayos ang deliberasyon ng komite para sa pinal na bersiyon ng bill, matapos magdesisyon ang Senate panel na sang-ayunan ang mga panukalang mula sa ilalim ng bersiyon ng House of Representatives.
Sa napagkasunduang pinag-isang bersiyon ng Senate Bill No. 1955, punong may-akda ang senado, at ang House Bill No. 9323 ay si Gatchalian.
Sa pamamagitam nito, itatalaga ang pamantayan at kaukulang responsibilidad sa industry players, tulad ng importers, bulk suppliers, bulk distributors, haulers, refillers, trademark owners, marketers, dealers, pati ang retail outlets, para sumunod sa pinahigpit na safety protocols.
“Dahil karaniwang energy source ng sambahayan ang LPG, marapat na mapangasiwaan ang panganib na maaring idulot sa paggamit nito. Napapanahon na ang pagkakaroon ng mga regulasyon at pagsasabatas nito,” ani Gatchalian. (NIÑO ACLAN)