KASUNOD ng Executive Order ng Malacañang na nagdedeklarang gawing prayoridad ang pagresolba sa teenage pregnancy o maaagang pagbubuntis ng mga kabataan, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagtugon sa mga kakulangan ng comprehensive sexuality education (CSE).
Mandato ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012 (Republic Act 10354) ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education. Kabilang sa mga dapat talakayin dito ang mga isyung tulad ng proteksiyon mula sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong sekswal, gender-based violence, at responsableng asal.
Upang gabayan ang paghahatid ng CSE, nilabas ng DepEd ang DepEd Order No. 31 s. 2018.
Sa kabila ng pagsasabatas ng RPRH Act, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga batang ina, batay sa ulat ng Commission on Population and Development (POPCOM).
Ilang ulit nagbabala ang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na ang pagpapatupad ng lockdown sa panahon ng pandemyang dulot ng CoVid-19 ay maaaring sanhi ng lalong pagdami ng mga batang ina.
Iniulat ng POPCOM na noong 2020, 2,422 sanggol ang isinilang ng mga batang ina sa Cordillera, mas mataas ng halos limampung (46.43) porsiyento mula sa mahigit 1,654 isinilang noong 2019.
Sa taong 2019, ang mga menor de edad na may edad 15-anyos pababa, na naging ina ay mahigit sa 62,510 mula sa 62,341, ayon sa POPCOM.
Inihayag ng komisyon, mahigit 2,411 mga batang may edad 10 hanggang 14 anyos ang nanganak noong 2019, mas mataas ng tatlong beses mula sa 755 naitala noong 2000.
Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), lumalabas na sa pagtuturo ng RPRH ay nakita ang kakulangan ng manpower at mga pasilidad, mga training, mga kagamitan sa pagtuturo, koordinasyon, at monitoring system.
Ayon sa PIDS, kulang at hindi abot-kamay ang mga training sa-integrastyon ng CSE sa curriculum.
Sinabi ng senador, makatutulong ang Alternative Learning System (ALS) upang mabigyan ang mga batang ina ng pagkakataon upang muling makapag-aral. Si Gatchalian ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11510 o ang Alternative Learning System Act.
(NIÑO ACLAN)