KULTURA ng Bayanihan, at hindi ang takot na maaresto kapag tumanggi sa bakuna, ang dapat mangibabaw upang maging ganap na matagumpay ang pagbabakuna sa mga Filipino laban sa CoVid-19.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, dapat maisip ng publiko na higit na mahalaga ang bakunang kanilang matatanggap dahil siguradong proteksiyon ito, hindi lamang sa kanila kundi sa mga taong makasasalamuha nila – na magreresulta sa pagsigla ng ekonomiya.
“We should get vaccinated not so much due to the fear of being arrested if we refuse, but because we have the Bayanihan spirit: we want to do our part to protect those around us, we want to do our part to achieve herd immunity, and we want to do our part to finally end the threat posed by the pandemic on our health and on our economy,” apela ni Lacson.
Nitong nakaraang Lunes, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari niyang ipaaresto ang matitigas ang ulo na ayaw magpabakuna.
Muli rin ipinaalala ng mambabatas ang kanyang apela sa publiko na pagtiwalaan ang mga bakuna laban sa CoVid-19, at sa pamahalaan para sa mas maayos na implementasyon ng programa ng pagbabakuna.
“For the people, this means trusting the vaccination process and helping achieve herd immunity early, so the economy can recover. For government, this means being transparent and exercising restraint in spending our already severely limited resources,” banggit ng senador.
Aniya, ang pagsisikap ng pamahalaan tungo sa mas matinong programa sa pagbabakuna ay dapat suklian ng publiko ng pagtitiwala sa bisa nito laban sa CoVid-19.
“That said, if we see that our authorities are showing efforts in getting the job done effectively and efficiently, then we can do no less by getting the jab done,” dugtong ni Lacson. (NIÑO ACLAN)