Dinamita sumabog, Chairwoman, 3 pa patay sa Masbate
ISANG barangay chairwoman kasama ang tatlo katao ang namatay, habang sugatan ang iba, nang sumabog ang mga dinamitang nakalagak sa bahay ng una sa bayan ng Balud, lalawigan ng Masbate, nitong Martes ng hapon, 15 Hunyo.
Ayon kay P/Maj. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, kinilala ang mga biktima na sina Lina Recto, barangay chairwoman ng Brgy. Pajo at may-ari ng bahay kung saan nakalagak ang mga sumabog na dinamita.
Kinilala ang iba pang namatay na sina Mac-Mac Dela Cruz, Ronelyn Bulala, at Aisa Sese.
Samantala, sugatan ang mga biktimang sina Junvin, 24 anyos; Tessie, 59 anyos; at isang 12-anyos batang lalaki, pawang may apelyidong Badahos; Ivan Mahilum, 20 anyos; Leonard Amistoso, 42 anyos; Ruel Hentical, 26 anyos; at isang 7-anyos batang lalaki, pawang mga residente sa naturang barangay.
Dinala ang mga sugatang biktima sa Balud Municipal Hospital para malapatan ng lunas ang mga sugat mula sa pagsabog.
Ayon kay P/Lt. Col. Juriz Cantoria, hepe ng Masbate PNP, naganap ang insidente dakong 12:55 pm, kahapon.
Ani Cantoria, nag-iimbestiga ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagsabog, at kung bakit nasa bahay ng kapitana ng barangay ang mga dinamita.
Tinitingnan ng mga imbestigador na maaaring ginagamit ang mga dinamita sa blast fishing – isang uri ng ilegal na pangingisda na laganap sa Masbate.