GUSTO ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na isang miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lumahok sa 2022 presidential derby upang maipakita ng mga Pinoy kung paano sila ibasura sa halalan.
Kompiyansa si Trillanes na magaganap ang pagbasura kapag nagpasya si Davao City Mayor Sara Duterte na maging presidential bet dahil may pruweba na ang iniluklok sa “critical” elections ay mga karapat-dapat na kandidato.
Habang sa isang 1Sambayan Townhall event kamakailan, tiniyak ni Trillanes na ang kanyang Magdalo party ay pananagutin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naganap na “extrajudicial killings, abductions, assassinations, murders, and crimes against humanity” na naganap sa kanyang administrasyon.
“At parurusahan natin ang mga nagkasala,” aniya.
Ang susunod aniyang administrasyon ay dapat kilalanin na nag-abuso ang mga puwersa ng pamahalaan kaya’t dapat silang isailalim sa reorientation upang maibalik sa kanilang kaisipan ang tungkulin na paglingkuran ang sambayanan.
Ngunit kailangan aniyang imbestigahan ang mga krimeng kinasangkutan ng mga awtoridad, at ibasura ang Anti-Terror Law na nagtaguri sa mga aktibista at kritiko ng pamahalaan bilang “communists and insurgents.”
“Kailangan din maamyendahan ang Anti-Terror Law para hindi masupil ang legitimate dissent na kailangan sa isang demokrasya. At hindi ito magamit na instrumento para mang-abuso ng karapatang pantao,” dagdag niya.
Dapat aniyang bumalik sa hapag ng negosasyong pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista ang susunod na gobyerno dahil hindi solusyong militar ang sagot sa rebelyon.
Bagama’t may mga negatibong karanasan ang gobyerno at militar sa pakikipagnegosasyon sa Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), at sa National Democratic Front (NDF) kailangan aniyang buuin muli ang tiwala ng magkabilang panig upang umusad at magtagumpay ang peace talks.
“Matindi na ang duda sa bawat panig. Ngunit pagpasok ng bagong gobyerno sa 2022, may pagkakataong buuin muli ang tiwala sa isa’t isa, kasi ang tanging tiwala lang ang elemento na magkakabit-kabit ng iba pang elemento para magtagumpay ang peace talks,” dagdag ni Trillanes.
Matatandaan, inialok ni Trillanes ang sarili para maging presidential bet ng 1Sambayan, isang koalisyon ng oposisyon sa 2022 polls, kapag itinuloy ni Vice President Leni Robredo ang Camarines Sur gubernatorial bid.
(ROSE NOVENARIO)