SIMULA sa darating na Lunes, magiging karagdagang CoVid-19 vaccination site sa Caloocan ang SM Center Sangandaan.
Maaaring magtungo rito para magpabakuna ang mga mamamayan ng mga barangay sa South Caloocan. Sa ngayon ay A1, A2 at A3 pa rin ang priority list groups na kasama na sa mga binabakunahan.
Partikular na gagawing vaccination site ang SM Center Sangandaan Cinemas na pangungunahan ng ating city health workers ang pagbabakuna.
Tatanggap ng 400 slots mula Lunes hanggang Sabado, 8am hanggang 4pm. Paalala sa mga magpapabakuna may cellphone, kailangan mag-download ng StaySafe App para sa contact tracing ng establisiyemento.
Nagpapasalamat si Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa pamunuan ng SM Center Sangandaan para sa tulong at suporta nito sa mass vaccination program ng lungsod.
“Maraming maraming salamat sa SM Center Sangandaan na hindi nag-atubiling maging kaagapay natin sa programang ito. Salamat sa pagsama sa amin sa layuning mawakasan na ang pandemyang CoVid-19,” pahayag ni Mayor Malapitan.
Ipinaaalala sa publiko, kung kabilang sa priority list groups na binabakunahan, basta nakapag-profiling/registration ay maaari nang magtungo sa vaccination site na malapit sa inyong lugar. Hindi na kailangan maghintay ng text message para sa appointment.
Maaaring magpa-profiling/registration sa inyong barangay health center o kaya naman ay sa pamamagitan ng link na ito: bit.ly/profilingcalv2
(J. DAVID)