Imported na baboy, isubasta para malantad sa publiko — Marcos
HINIMOK ni Senador Imee Marcos ang mga economic managers ng bansa na isubasta ang mga imported na baboy para makatiyak na lantad ang alokasyon sa mga negosyante oras na madesisyonan ang pinal minimum access volume (MAV) ng aangkating baboy.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, makatutulong ang subasta sa imported na baboy para matanggal ang suspetsa na ang nakatakdang pagtaas ng MAV ay pabor sa mga negosyanteng gustong magsamantala sa kapos na supply ng baboy sa mga palengke habang patuloy na nagpapahirap sa local hog raisers ang African swine fever (ASF).
“Dagdag bantay ang pagsubasta sa mga imported na baboy na makasisirang loob sa mga gustong magsamantala. Madaragdagan pa ang pondo ng gobyerno mula sa pag-iisyu ng mga import permit,” giit ni Marcos.
Nagdesisyon na ang ehekutibo at lehislatibong sangay ng gobyerno na magkaroon ng kompromiso sa lebel ng MAV at taripa ng imported pork, pero inaasahang magiging matindi ang negosasyon, matapos ang pagdinig ng Senate Committee of the Whole nitong nakaraang linggo.
“Ang totoo, nasa masaklap na sitwasyon tayo. Gabayan sana kami ng Espiritu Santo na makahanap ng mainam na solusyon!” ani Marcos, na naninindigang ang sobra-sobrang pag-aangkat ng karneng baboy ang unang kikitil sa mga lokal na magbababoy bago pa maresolba ang krisis sa ASF.
Tinukoy ni Marcos ang ‘malaking pagkakaiba’ sa kalkulasyon ng mga mambabatas at mga ahensiya ng gobyerno, habang isinusulong ng senadora na taasan lamang ang MAV mula sa ika-apat na buwan matapos bawasan ang taripa na hindi dapat bababa sa 10% at 20% para sa mga inangkat sa loob at labas ng MAV.
Aniya, hanggang 150,000 MT lang ang dapat idagdag sa MAV sa ika-apat hanggang ika-12 buwan, pagkatapos ay hanggang 204,000 MT na maximum ang dapat maabot pagkatapos ng isang taon. (NIÑO ACLAN)