CoVid-19 isinama ng ECC sa work-related diseases
ISANG mainit na pagtanggap ang isinalubong ni Senator Joel Villanueva sa balitang kasama na sa listahan ng “work-related diseases” ang CoVid-19 na pwedeng idulog at makahingi ng pinansiyal na tulong sa Employees’ Compensation Commission (ECC).
Aniya, parehong makatutulong ito sa mga negosyante at manggagawa lalo na kung ay tamaan ng CoVid-19 ang mga empleyado sa mga tanggapan, pabrika o lugar ng trabaho habang may pasok.
Dahil sa polisiyang ito, makokombinsi din aniya ang mga manggagawang may CoVid-19 at asymptomatic na manatili na lamang sa bahay at magpagaling, lalo na’t may inaasahang tulong mula sa gobyerno.
“Good news po ito para sa ating mga manggagawa! May karagdagang tulong na maaasahan mula sa pamahalaan kapag nagkasakit ng CoVid-19, lalo sa mga kababayan natin na araw-araw pumapasok sa trabaho at exposed sa virus,” ani Villanueva, chair ng Senate committee on labor, sa isang pahayag.
“Kadalasan kasi, walang choice po ang ating mga manggagawa. It is either death by CoVid or death by hunger. At pag nagkasakit dahil sa CoVid, madalas pong naiiwan mag-isa ang may sakit. Wala nang tulong na maaasahan. Ngayon po, makatatakbo ang ating mga manggagawa sa ECC para sa saklolo,” dagdag niya.
Hiniling ng senador mula sa ECC na siguruhing maayos ang implementasyon ng programa at tiyakin na palaging may pondo dahil mahaba-haba pa umano ang pandemya.
“Nakasalalay ang tagumpay ng programang ito sa maayos na implementasyon. Tiwala po tayo sa DOLE at ECC na magiging masinop po sila sa pagpapatupad ng programang ito dahil matagal pa po ang laban natin sa pandemya,” sabi ni Villanueva.
Noong nakalipas na linggo, idineklara ng ECC sa isang resolusyon na ang CoVid-19 ay isa nang “occupational and work-related disease.” Makakukuha ng tulong pinansiyal ang mga nagkasakit na manggagawa dahil sa kanilang trabaho.
Inatasan ng ECC ang Social Security System (SSS) at ang Government Service Insurance System (GSIS) upang pangasiwaan ang pagpapalabas ng pondo sa ilalim ng programang ito.
Kasama sa benepisyong ito ang mga sumusunod: loss-of-income benefits; medical services, appliances and supplies; carers’ allowance; rehabilitation services; death benefits; at funeral benefits, ayon sa resolusyon ng ECC board. (NIÑO ACLAN)