PH economic complexity tinalakay ni Angara (Sa Stanford University)
SA ISANG hindi pangkaraniwang pagkakataon, nagtalumpati sa harap ng mga mag-aaral ng Stanford University si Senador Sonny Angara at ibinahagi ang mga kritikal na usapin sa ekonomiya ng Filipinas.
Ang talumpati na ginanap via Zoom ay sumentro sa kung paanong nagagawang progresibo ng isang bansa ang takbo ng kanyang ekonomiya at kung paano ito nagiging benepisyal sa publiko, partikular sa maralitang sektor.
Inihalimbawa ni Angara ang estadong economikal ng Filipinas na aniya, kung hindi dahil sa pandemya ay posibleng tuloy-tuloy ang pag-unlad mula pa sa mga nagdaang administrasyon.
Katunayan, mula 2010 hanggang 2019, base sa datos ng World Bank, nakapagtala ng 6.39% average GDP growth ang bansa. Nagsimula itong malugmok, ayon sa senador, dahil sa negatibong epekto ng pandemyang dulot ng CoVid-19.
Ani Angara, mahalaga, sa kabila ng ganitong pagkakataon ay nasa wastong takbo pa rin ang estadong pinansiyal ng bansa.
Binigyang-diin ng senador mula sa mga nagdaang administrasyon, naging maayos ang pagmamantina ng gobyerno sa debt-to-GDP ratio nito.
Dahil dito, ayon kay Angara, naging positibo ang pananaw ng malalaking credit rating agencies sa bansa at itinalaga pang investment-grade ang Filipinas sa kabila ng kasalukuyang pandemya. (NIÑO ACLAN)