Sen. De Lima nakalabas kahapon sa ospital (Mild stroke)
MALIBAN sa tila pagbaba ng timbang, walang naaninag na kakaibang pisikal na pinsala matapos mapabalitang nakaranas ng mild stroke si Senadora Leila De Lima.
Kahapon, nakunan ng larawan ang senadora habang papabas sa Manila Doctors Hospital (MDH) sa Ermita, Maynila at nakatakdang ibalik sa Philippine National Police – Custodial Center, matapos ang matagumpay na pagsasailalim sa iba’t ibang uri ng eksaminasyon makaraang makaranas ng mild stroke.
Si De Lima ay pinahintulutan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branches 205 at 206 na magkaroon ng emergency medical furlough nang makaranas ng matinding sakit ng ulo at panghihina ng katawan at hindi maayos na pakiramdam.
Dinala ang senadora sa ospital nitong 24 Abril hanggang kahapon 27 Abril, saka ibinalik sa kanyang pansamantalang piitan.
Mismong on-call physician ng Senador na si Dr. Meophilia G. Santos-Cao ang nagsabi na dumanas ng mild stroke ang senadora at kailangang sumailalim sa mga pagsusuri para matiyak ang kanyang kaligtasan at kalusugan.
Ginawaran ang senadora ng tatlong araw na medical furlough.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na medical bulletin ang tanggapan ng senadora maging ang PNP at ang ospital ukol sa resulta ng nasabing mga test.
Sa larawang nakuha ng HATAW sa isang mapagkakatiwalaang source, makikitang nasa maayos na kondisyon ang senadora nang lumabas sa ospital pabalik sa Crame.
Kapuna-puna ang pagbawas ng timbang ng babaeng mambabatas.
Idinagdag ng source, nakalalakad ang senadora at hindi na kinailangang isakay sa wheelchair pabalik sa PNP headquarters.
Habang nasa ospital si De Lima, mahigpit siyang binabantayan ng ilang tauhan ng PNP, habang siya’y nakasuot ng PPE, facemask, face shield at mayroong hawak na alcohol, at pamunas habang naka-gloves ang kanyang kamay. (NIÑO ACLAN)