IGINIIT ni Senadora Imee Marcos na tutol siya sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil wala nang sapat na kakayahan para ipatupad ito kaya’t marapat na modified enhanced community quarantine (MECQ) na lamang ang ipatupad.
Aniya, walang silbi ang ECQ kung walang complete medical protocols katulad ng testing, contact tracing, bakuna at ang ikalawang social protection para sa lahat ng pangangailangan.
Bukod dito, iminungkahi ng mambabatas na hayaan ang local government units (LGUs) na magpatupad ng total lockdown o EQC dahil tiyak na tukoy at magiging kontrolado nila ang lahat.
Minaliit ni Marcos ang ayudang P1,000 kada tao dahil kulang na kulang ito sa pangangailangan na lubhang apektado ng lockdown.
Aniya, kahit walang karneng baboy at manok na bibilhin ay hindi sapat ang P1,000. Hindi rin tiyak kung pera o goods ang ibibigay sa isang indibidwal.
Aminado si Marcos, lubhang marami ang nagugutom at nawawalan ng trabaho dahil sa paulit-ulit na lockdown pero wala namang nasosolusyonan.
Dahil dito, sinabi ni Marcos, dapat ipaskil ng barangay officials sa kanilang website at sa mga barangay hall ang pangalan ng mga naunang nakatanggap ng Social Amelioration Program (SAP), o nakinabang sa iba pang mga ayuda na ibinigay ng pamahalaan.
Anang senadora, hindi dapat umasa sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) dahil hindi sapat ang datos ng dalawang ahensiya.
Ang DSWD ay may hawak na listahan ng persons with disabilities (PWDs), Pantawid Pamliyang Pilipino Program (4Ps) samantala, ang DOLE ay mga nagtatatrabaho lamang sa mga pribadong kompanya.
“Paano ang mga driver, magtataho, maggugulay, at iba pang mga uri ng hanapbuhay na wala sa listahan na naapektohan ng ECQ at nawalan ng trabaho?” tanong ng mambabatas.
(NIÑO ACLAN)