HINIKAYAT ni Senator Joel Villanueva ang gobyerno na agad gamitin ang bakuna upang hindi ito masayang, at kung kinakailangan ay iturok agad sa next priority group tulad ng essential workers.
“Ang vaccination po ay time-on-target dahil may expiry date ang mga ito,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee. “Imbes masayang, gamitin na po ito kaagad.”
Ayon kay Villanueva, dapat mauna pa rin ang frontline health workers sa pila ng mga babakunahan, at iginiit na dapat prayoridad ang mga manggagawang nagbibigay ng essential services na nanganganib rin mahawaan ng sakit habang nagtatrabaho.
“Sakaling may imbentaryo na nanganganib mag-expire, dapat handa ang susunod na priority group para mabakunahan,” aniya. “Ang isang maayos na operasyon ay may tinatawag na contingency palagi. Tulad sa mga eroplano, may wait list na tinatawag, ‘di ba?”
Idiniin ni Villanueva, ang kahalagahan ng mga tsuper ng PUV tulad ng bus, van, taxi, at jeep, maging ang mga rider na naghahatid ng pagkain at iba pang pangangailangan tulad ng grocery.
“Dahil sa kanilang trabaho, napakataas ng kanilang risk na mahawa sa sakit. Sila po ay may close contact sa daan-daang pasahero at customer sa bawat araw,” aniya.
“Kung walang transportation, sino po ang maghahatid sa mga nurse sa ospital, o kay cashier sa grocery store, o kay pharmacist sa drug store? Sino po ang magde-deliver ng pagkain o grocery, kung wala po tayong mga rider?
“Kaya po inuulit natin: Kung may klarong listahan, mapipigilan po ang singitan,” ayon kay Villanueva. (NIÑO ACLAN)