BUMISITA si Vice President Leni Robredo sa iba’t ibang bayan sa Iloilo kamakailan, bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng tulong ng kaniyang Tanggapan sa mga komunidad sa gitna ng CoVid-19 pandemic.
Personal na binisita ni Bise Presidente ang dalawa sa mga Community Learning Hubs na sinimulan ng kaniyang Tanggapan, sa bayan ng Tigbauan at Sta. Barbara noong Lunes.
Sa kaniyang pagdalaw, ibinahagi ng partners at volunteers kay VP kung paano pinadali ng learning hubs ang distance learning para sa mga mag-aaral sa kanilang lugar.
Idiniin ni VP Robredo sa isang panayam sa Sta. Barbara ang kahalagahan ng pagtatayo ng mga CLH para punan ang mga isyu’t kakulangan na hinaharap ng mga estudyante sa distance learning sa gitna ng pandemya.
“Kasi ‘di ba walang face-to-face classes, nag-alala po kami sa mga bata na either [ang] magulang hindi available magturo sa kanila sa bahay or walang lugar sa bahay or difficult learners or non-readers… Kapag difficult learners, non-readers tapos walang tumutulong sa bahay, lalong maiiwan. [Iyong] mga Community Learning Hubs all over the country nagke-cater sa ganoong klaseng learners, na at least mayroon silang napupuntahan once a week na may tutors available para natutulungan sila,” wika niya.
Bumisita rin si VP Leni sa bayan ng San Joaquin, kung saan nakausap niya ang mga residente ng Brgy. Crossing Dapuyan na nakatanggap ng tulong mula sa OVP para sa pagpapatayo ng maayos na palikuran. Bahagi ito ng programa ng San Joaquin LGU na Zero Open Defecation program.
Sa San Joaquin din, nakilala ni VP Leni ang mga opisyal ng Angat Kababaihan, Inc. (Akai) — isang programa ng munisipalidad na nakatanggap ng silver award sa Bridging Leadership Program ng OVP.
Sa pagtatapos ng kaniyang unang araw sa Iloilo, tumungo si VP Leni sa Oton at Cabatuan para bisitahin ang mga magsasaka na natulungan sa pamamagitan ng Angat Buhay program ng kaniyang Tanggapan, kabilang ang Oton Farmers Producers Cooperative at Pamuringao Proper, Pamuringao Garrido, Bacan & Morobuan (PAPABACAMO) Farmers Association.
Ikinuwento ng mga magsasaka sa Bise Presidente kung paano nakatulong sa kanilang produksiyon ang farm tractors na ibinigay ng Tanggapan ni VP Leni.
Sa kaniyang pangalawang araw sa Iloilo, binista ni VP Robredo ang Anilao Youth Center bayan ng Anilao, isa sa mga nakatanggap ng tulong mula sa Bridging Leadership program ng OVP para ayusin at dagdagan ang mga learning materials sa youth center.
Matapos nito, dumiretso siya sa bayan ng Carles upang pangunahan ang Alaskabuhayan Cooking Training and Demonstration — isang proyekto sa pagtutulungan ng OVP at ng Alaska Milk Corporation na naglalayong bigyang kaalaman ang mga magulang sa paghahanda ng malulusog na pagkain para sa mga bata sa kanilang komunidad.
Bumisita rin si VP Leni sa Iloilo City para personal na tingnan ang konstruksiyon ng CoVid-19 Laboratory ng lungsod. Noong 2020, nakatanggap ang Iloilo City ng grant mula sa OVP para sa pagbili ng mga equipment sa pasilidad.
Last stop ni VP Robredo sa probinsiya sa Mandurriao, Iloilo City, kung saan nakipagpulong siya sa convenors ng Ahon Laylayan Koalisyon upang pakinggan ang mga proyektong pinaplanong simulan sa kanilang komunidad, gayondin ang mga problemang kinakaharap ng kanilang sektor.