NAGBABALA si Senador Imee Marcos na ang pagpapaliban ng eleksiyon sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) ay makaaantala sa pag-unlad ng rehiyon at sa pagtatama ng makasaysayang kawalan ng hustisya sa mga mamamayan nito.
Binigyang diin ni Marcos sa harap ng paghahain ng maraming panukalang batas sa senado at kamara na ipagpaliban sa 2025 ang nakatakda sa batas na pagdaraos ng BARMM elections sa Mayo 2022 kasabay ng national elections.
Giit ni Marcos, bilang chairman ng Senate committee on electoral reforms, kailangang ibalanse ang pagtupad sa pangunahing layunin ng BARMM Organic Law at pagbibigay sa Bangsamoro Transitional Authority (BTA) ng sapat na panahon para makaahon sa mga probemang dulot ng CoVid-19 pandemic at magkaroon ng maayos na pagsasalin ng kapangyarihan sa mga halal na opisyal.
“Sa harap ng tunay na layunin ng BARMM Law na itama ang makasaysayang kawalan ng hustisya – political, military, at economic – napakahalagang mairaos ang eleksiyon sa pinakamadaling panahon,” diin ni Marcos sa hearing kahapon ng Senate committee on local government.
Dagdag ni Marcos, makakamit na maging ganap na lehitimo ang politika sa BARMM matapos maisagawa ang eleksiyon.
“Hindi mahihinto ang gulo at hindi babalik sa normal ang sitwasyon sa BARMM kung hindi buo ang political legitimacy sa rehiyon, hindi lehitimo ang mga pamumuno at kung hindi makokompleto ang karapatang bomoto ng mga mamamayan ng BARMM. Ang eleksiyon lang makapagbibigay nito sa kanila,” paliwanag ni Marcos.
“Makakabalik lang sa normal ang BARMM pagkatapos ng eleksiyon, na naiwang nakatiwangwang dulot ng pandemya, at solusyoan ang bukod-tangi at napakahirap na sitwasyon ng rehiyon,” dagdag ni Marcos.
Maaaring isagawa ang BARMM elections “ilang buwan o isang taon pagkatapos” ng May 2022 elections, imbes tatlong taon pang hihintayin, rekomendasyon ni Marcos.
“Ang Commission on Elections (Comelec) ay agresibo nang naghahanda para sa dalawang eleksiyon sa 2022, kabilang ang pag-upgrade sa listahan ng mga botante sa SK (Sangguniang Kabataan) maging ang pagpapa-rehistro ng mga OFW (overseas Filipino workers),” pagdidiin ni Marcos.
Bagamat nananatili ang BTA, ang eleksiyon ng BARMM ay isasailalim sa kontrol ng Comelec.
Binanggit ni Marcos, sa kabila ng pandemya, ang plebisito sa paghahati ng probinsiya ng Palawan sa tatlo ay nakatakda na ngayong Sabado.
“Alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, lahat ng eleksiyon ay dapat matuloy sa mas malapit o itinakdang petsa nito,” ayon kay Marcos. (NIÑO ACLAN)