IKINALUGOD ni Senador Win Gatchalian ang pagtupad ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mga probisyon ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS), dalawang taon matapos maging isang ganap na batas, at pasinayaan ang pagsusulong ng mga proyekto sa industriya ng enerhiya.
Sa isang Commission En Banc Resolution, inaprobahan ng NCIP ang nakasaad na time frame sa paglalabas ng Certificate of Non-Overlap (CNO) at Certification Pre-condition (CP) alinsunod sa EVOSS, ang batas na nagpaikli sa pagpoproseso ng mga permit ng mga nagtataguyod ng energy projects sa bansa.
Batay sa nakasaad sa batas, ang mga aplikasyon para makakuha ng CNO ay dapat aksiyonan ng NCIP sa loob ng 10 araw at 105 araw para sa Free and Prior Informed Consent (FPIC) na magiging daan para makapagpalabas ng Certification Precondition.
Ang CNO ay iginagawad kung ang lupang katitirikan ng proyekto ay hindi sasakop ng ancestral domain o pagmamay-ari ng mga katutubo habang ang CP naman ay ibinibigay kung pinahihintulutan ng Indigenous Cultural Communities (ICCs) ang pagsusulong ng mga proyekto sa ilalim ng kanilang ancestral domain.
Ang EVOSS law ay nagtatatag ng online platform para mapadali ang pagpoproseso ng mga dokumento at makakuha ng mga kaukulang permit ang mga nagsusulong ng proyektong may kinalaman sa power generation, transmission at distribution habang patuloy ang pagpapatupad ng quarantine sa bansa at maiwasan ang red tape o korupsiyon.
“Kadalasang inaabot nang ilang taon ang proseso ng pag-aaproba ng energy projects sa mga lugar na nasasakupan ng mga IP. Ngunit ngayon na sila’y tutupad sa abisong panahon na nakasaad sa EVOSS, makaaasa tayong maisasaayos na ang pagpoproseso ng mga aplikasyon ng mga namumuhunan sa power generation, transmission, at distribution projects sa bansa nang hindi nakokompromiso ang mga karapatan at kasarinlan ng mga katutubo nating kababayan,” ani Gatchalian.
“Malaki ang maitutulong ng EVOSS Law upang tuloy-tuloy pa rin ang pagproseso ng energy-related permits dahil ang lahat ay puwede nang gawin sa online lalo ngayong panahon ng pandemya,” dagdag ng senador.
Sa ilalim ng nasabing batas, lahat ng ahensiya ng gobyerno, maging ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na may kinalaman sa pagpoproseso ng mga kinakailangang permit ay kailangang aksiyonan ang mga aplikasyon batay sa nakasaad na time frame at ang hindi pagtugon dito ay nangangahulugan ng automatic approval at posibleng may kaakibat na parusang administratibo.
(NIÑO ACLAN)