ni NIÑO ACLAN
“BAKIT tayo umabot sa ganito?”
Ito ang tahasang tanong ini Senate Minority Leader Franklin M. Drilon sa Department of Labor and Employment (DOLE) kasunod ng pagbatikos sa alok nito sa United Kingdom at Germany na papayagan nilang na magpadala ang bansa ng mga dagdag na Filipino nurses kapalit ng bakuna laban sa CoVid-19.
Ang naturang dalawang European country ay nagtala ng maraming bilang ng mga natamaan ng CoVid-19.
Ayon kay Drilon maituturing na isang desperadong hakbangin ang planong ito ng DOLE lalo na’t hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin bakunang nabibili ang ating pamahalaan.
Iginiit ni Drilon, maituturing na isang maling polisiya at nagpapakita ng hindi magandang pangitain ang ‘palit bakuna.’
“Our health care workers are not commodities they can trade off,” ani Drilon.
Ibinunyag ng opisyal ng labor department na si Alice Visperas na nakipag-usap na si DOLE Secretary Silvestre Bello III sa bansang UK at Germany na bigyan ang Filipinas ng mahigit sa 600,000 bakuna kapalit ang pagpapadala ng dagdag pang mga Filipino nurses at iba pang health care workers sa dalawang bansang nabanggit.
“For the government to go this far as trading off its Filipino health care workers in exchange for vaccines means something is not right in the government’s coronavirus vaccination strategy,” dagdag ni Drilon.
Dahil dito pinayohan ni Drilon si Bello na bilang dating labor secretary, dapat niyang abandonahin at balewalain ang naturang polisiya.
“Hindi po kasama sa mandato ng DOLE ang ‘palit bakuna.’ Our focus should be on protecting the rights and welfare of our overseas Filipino workers especially during these trying times,” ani Drilon.