NAGKAROON ng dialogo ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa utility companies hinggil sa pagsasaayos ng mga kable ng koyente sa lungsod.
Sa direktiba ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan, ang dialogo ay isinagawa sa layuning maging kaagapay ang utility companies sa pagsasaayos ng pamahalaang lungsod sa mga nakalaylay at mga sala-salaba na kable.
“Nais po natin matiyak ang seguridad ng mga mamamayan sa abala at peligrong dulot nito. Kaya, hinihingi po namin ang inyong tulong at suporta upang linisin at maisaayos ang mga kable. Ngayon pa lang po ay nagpapasalamat na tayo sa inyong magiging aksyon,” pahayag ni City Administrator at Officer-in-Carge ng City Engineering Department, Engr. Oliver Hernandez.
Sa dialogo ay napagdesisyonan na bumuo ng Task Force na mangunguna sa proyekto at iba pang magiging bahagi ng pamahalaang lungsod at ng mga kompanya hinggil sa proyekto.
Magkakaroon din ng memorandum of agreement (MOA) na tatalakayin sa susunod na dialogo.
Kabilang sa mga nakibahagi sa dialogo ang mga kinatawan mula sa Globe, Smart, Meralco, PLDT, Converge, at iba pa. (JUN DAVID)