TINANGGAL sa serbisyo ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang job-order worker na naaresto sa entrapment operation na isinagawa ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa inisyal na ulat na natanggap ni Mayor Oca, ang hinuling job-order worker na si Vince Noveno, nakatalaga sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ay inirereklamo ng extortion ng isang ice plant sa lungsod.
Nangyari ang entrapment operation ng NBI habang nasa trabaho si Noveno sa North City Hall ngayong tanghali.
“Hindi natin kokonsintihin ang mga maling gawain ng ating mga kawani. Dapat makulong at matanggal sa serbisyo ang mga lingkod-bayan na mapapatunayang gumagawa ng labag sa batas,” ani Mayor Oca.
“Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan tayo sa NBI para malaman ang ibang detalye tungkol dito. Tinitiyak ko rin na makikipagtulungan tayo sa NBI para masampahan ng kaso ang nahuling kawani,” paliwanag ng punong-lungsod.
Hinihikayat i Mayor Oca ang mga mamamayan na isumbong ang mga ganitong uri ng gawain upang kaagad matanggal sa serbisyo ang mga mapapatunayang lumabag sa batas.
“Wala pong lugar ang katiwalian sa ating pamahalaang lungsod. Wala po tayong sisinohin pagdating sa ganitong usapan. Bilang mga lingkod-bayan, tayo ang dapat maging mabuting halimbawa sa mga mamamayan,” ani Mayor Oca. (JUN DAVID)