HUWAG patawan ng donor’s tax ang supplies ng mga bakuna at iba pang mahahalagang bagay at kagamitan na gagamitin ng bansa sa pakikipagtuos sa pandemyang CoVid-19.
Ito ang ipinahayag ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara, kasabay ng pagsusulong sa kanyang panukalang Senate Bill 2046 na naglalayong i-exempt sa donor’s tax ang mga donasyong tulad ng gamot, bakuna, at medical supplies, partikular ang mga medisina laban sa CoVid-19.
Bukod sa mga nabanggit, nais din ni Angara na huwag patawan ng donor’s tax ang mga capital equipment, spare parts, at mahahalagang materyal na ginagamit sa produksiyon ng personal protective equipment (PPE) components tulad ng coveralls, gowns, surgical masks, goggles at face shields.
Ani Angara, makatutulong ang hakbang na ito upang mas mapalakas ang laban ng bansa sa pandemya, lalo pa’t malawakan ang aksiyon ng gobyerno at ng mga pribadong sektor sa pagsiguro at pagbili ng mga bakuna.
Mahalaga aniya sa pagkakataong ito na huwag nang buwisan ang mga donasyong nabanggit, maging ang delivery at storage nito.
“Handang-handa ang gobyerno at ang mga pribadong sektor sa pagdating ng mga bakuna. At karamihan sa mga bakunang ito ay mula sa mga donor, kaya’t kung maaari, huwag na silang patawan ng donor’s tax,” ayon sa senador.
“Sa pamamagitan nitong panukalang pag-exempt sa donor’s tax ay masisiguro natin ang walang hadlang na pamamahagi ng mga donasyon ng bakuna at iba pang kagamitan para sa ating gobyerno maging sa pribadong sektor,” aniya.
Ayon kay Angara, sa ilalim ng kanyang panukala, dapat din exempted sa donor’s tax ang mga donasyong kagamitan para sa waste management tulad ng waste segregation, storage, collection, sorting, treatment and disposal services.
Base sa panukala ng senador, ang donor’s tax exemption ay epektibo mula 1 Enero 2021 hanggang 31 Disyembre 2023, at natatanging para lamang sa government and private entities at hindi para sa commercial use.
Sasailalim sa rules of deductibility ang mga naturang donasyon, alinsunod sa isinasaad ng mga probisyon ng National Internal Revenue Code, at ng Bureau of Internal Revenue.
(NIÑO ACLAN)