NAGPUGAY ang senado sa lahat ng mga ginawa at iniambag ni dating Senador Victor S. Siga hindi lamang sa larangan ng paggawa ng mahahalagang batas na naging malaking ambag sa bayan bilang isang simpleng public servant.
Mismong si Senate Minority Leader Franklin Drilon ay ibinunyag na sumasakay ng jeep ang senador kasama si Senate Deputy Secretary for Legislation Atty. Edwin Bellen para makadalo sa mga sesyon ng senado bilang isang halal na senador.
Pinangunahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagbibigay-pugay at parangal sa dating senador.
Tinukoy ni Sotto, kung mayroong Tito, Vic & Joey o (TVJ) ang Eat Bulaga ay mayroon din ang senado noon sa katauhan ni dating Senador at Vice President Teofisto “Tito” Guingona, dating Senador Joey Lina, at Senador Siga na kilala sa tawag na Vic.
Maituturing ng mga senador na isang simpleng public servant si Siga dahil sa kabila ng kanyang kapangyarihan at katanyagan ay hindi niya ito ginamit o inabuso bagkus ay naging mapagkumbaba at patuloy na nagsilbi sa bayan kahit walang exposure.
Ipinunto nina Lina, Senator Win Gatchalian, Manny Pacquiao, Christopher Lawrence “Bong” Go, Juan Miguel Zubiri, kahit wala na sa posisyon si Siga ay patuloy na nagsisilbi sa ating mga kababayan sa tahimik na pamamaraan.
Hindi rin makalimutan ng mga senador kay Siga na tuwing mayroong kalamidad lalo sa kanyang pinagmulang Albay, isang lalawigan sa Bicol ay lagi niyang hinahatiran ng tulong.
Bukod dito, si Siga ang nanguna sa medical mission ng Philippine General Hospital (PGH) at laging bukas ang kanyang puso at tanggapan sa lahat.
Noon pa man ay ipinaglaban ni Siga ang Karapatan ng mga Senior Citizen, kabataan, at ng health workers.
Dahil dito, isang resolusyon ang ipinagkaloob ng senado sa pamilya Siga bilang pagkilala sa kanyang naging ambag sa ating bayan hindi lamang sa paghahain ng mga panukalang batas at resolusyon, kundi maging kontribusyon sa pagsisilbi sa ating bayan at mamamayan.
Nagpasalamat si Albay Rep. Victor Siga, Jr., sa pamunuan ng senado, sa lahat ng senador at mga empleyado ng senado sa pagkilalang ginawa sa kontribusyon ng kanyang ama.
Tiniyak ng batang Siga, kailanman ay kanilang ipagpapatuloy ang nasimulan at itinuro hindi lamang ng kanyang ama kundi ng kanilang lola na si dating Senadora Tekla Siga na laging bukas ang tahanan sa lahat ng taong humihingi ng tulong kilala man niya o hindi.
Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling nasa half-mast ang watawat ng Filipinas sa harapan ng gusali ng senado. (NIÑO ACLAN)