NASA 336,446 katao sa Caloocan City ang kabilang sa Priority Eligible Group A o target na unang mabakunahan sa lungsod, ayon kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan.
Una sa listahan ang health workers sa health centers, pampubliko at pribadong ospital, contact tracers, barangay health workers, senior citizens, indigent population, at uniformed personnel.
Ayon kay Mayor Oca, ang nasa Priority Group A ng Caloocan ay nasa 19.58% ng kabuuang populasyon ng lungsod na umaabot sa 1.7 milyon.
Target ng pamahalaang lungsod na makabuo ng 481 vaccination teams upang makapagbakuna ng 100 katao kada team sa isang araw at matapos ang pagbabakuna ng unang dose sa Priority Group A sa loob ng pitong araw.
Sa kasalukuyan ay mayroong 165 vaccination teams ang lungsod at 54 vaccination sites ayon sa Caloocan City Health Department.
Hindi bababa sa 780,207 katao o 45.2% ng kabuuang populasyon ng lungsod ang kabilang sa Priority Eligible Group B, kabilang rito ang mga guro, social workers, government workers, essential workers, persons with disabilities (PWDs) at overseas Filipino workers (OFWs).
Bilang paglilinaw, ang mga kabilang sa Priority Group A at B ay base sa ibinabang guidelines ng Department of Health.
Sa kabuuan, nasa 1.1 milyon katao, edad 17 pataas o halos 60% ng kabuuang populasyon ang target mabakunahan ng pamahalaang lungsod bago matapos ang taon.
Nasa 50% ng bakuna ay manggagaling sa pamahalaang nasyonal at 50% ay manggagaling sa bibilhing bakuna ng mga pamahalaang lungsod tulad ng AstraZeneca.
(JUN DAVID)