‘NATAMEME’ ang mga kinatawan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) nang gisahin sila sa Senado dahil sa palpak na pagpapatupad ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) at pagpapatupad ng batas para sa safety child seats sa mga sasakyan.
Nabigong makombinsi ng DOTr at maging ni LTO chief, Assistant Secretary Edgar Galvante ang mga senador kung sa anong batas nila ibinatay ang pagpapatupad lalo ang pribatisasyon ng MVIS.
Tahasang sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang maraming bayarin na ipinataw ng LTO ay lumilikha ng pagkakamal ng malaking ganansiya sa industriya bilang resulta ng pribatisasyon ng MVIS.
Babala ni Recto, ang MVIS ay isang P8-bilyong industriya kada taon para sa inspection firms, habang ang mandatory enrolment sa driving schools ay may potensiyal na magkamal ng P7.5 bilyon kada taon para sa mga may-ari.
“That’s just two (fees) out of many. It is unfair and premature to call these ‘money heist’ ventures, because as I have said, the objectives are laudable, but the implementation is far from lovable,” ani Recto.
Aniya, ang Republic Act 10930 na ginamit na basehan ng LTO sa kanilang Memorandum Circular 2019-2176 – na nag-aatas na mag-enrol sa driving school para mapagkalooban ng driving school certificate – ay hindi nagsasabing mag-enrol sa private driving academies.
“There is no explicit provision authorizing the LTO to impose the driving school diploma rule. This is a case of an overreach,” dagdag ni Recto.
Ang importante umano, nakapasa ang aplikante sa driving test nang walang pandaraya.
Kaugnay nito, inihain ni Recto ang Senate Resolution 638 para sa suspensiyon ng private Motor Vehicle Inspection Centers sa buong bansa hangga’t walang naisasagawang comprehensive public consultation.
Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig ng Senate committee on public services at Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamunuan ni Senadora Grace Poe ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, senators Christopher Lawrence “Bong” Go, Joel Villanueva, Aquilino “Koko” Pimentel, Ramon Revilla, Jr., at Senadora Nancy Binay.
Ang mga naturang senador ay naniniwalang hindi handa ang resource persons sa pagsagot sa mga katanungan ukol sa isyu at tila mali ang data na isinumite sa kanila.
Bukod dito hiniling ni Poe sa LTO na isumite sa komite ang listahan ng lahat ng centers na nagpapatupad ng MVIC at maging ang kabuuang miyembro o stockholders ng bawat kompanya.
(NIÑO ACLAN)