UMAPELA si Senate committee on sports chairman Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan partikular kay vaccine czar Gen. Carlito Galvez, Jr., na isama sa mga prayoridad para sa bakuna laban sa CoVid-19 ang mga atleta, coaches at iba pang delegado ng bansa na lalahok sa nalalapit na Tokyo Summer Olympics at Southeast Asian Games sa Hanoi ngayong taon.
Ayon kay Go, hindi lamang sarili ng mga atleta ang kanilang dala-dala kundi ang pangalan ng Filipinas kaya dapat na protektahan at pangalagaan ang kanilang kalusugan at kapakanan.
“Bandila ng Filipinas at dangal ng lahing Filipino ang itatanghal ng ating mga atleta sa mga nasabing palaro. Dapat bigyan sila ng sapat na proteksiyon,” ani Go.
Tinukoy ni Go, ang nakalipas na Southeast Asian Games na malaking karangalan ang dinala ng ating mga atleta at delegado sa pangalan ng bansa.
“Ngayon, kailangan nila ang tulong at proteksiyon laban sa sakit, ibigay muli natin ang suportang kailangan nila hindi lamang sa oras ng kanilang kompetisyon, kundi maging sa kanilang preparasyon at panahon ng pangangailangan,” dagdag ni Go.
Iginiit ng Senador, hindi ito kompetsiyon kundi maituturing na source of livelihood para sa mga atleta at iba pang kabilang sa kanilang sector.
“Marami po sa atleta natin ay nagsikap at nanggaling sa malalayong lugar. Sila po ang pag-asa ng kanilang pamilya upang makaahon sa hirap. Ang proteksiyon nila ay hindi lang para makipag-compete, kundi may maiuwing pagkain, kabuhayan, at kasiyahan sa kanilang mga komunidad na pinanggalingan,” paalala ni Go.
(NIÑO ACLAN)