ni NIÑO ACLAN
HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) at mga distribution utilities (DUs), tulad ng Meralco, na dinggin ang panawagan ng publiko na palawigin ang “no disconnection” policy sa mga pamilyang tinaguriang “low-income consumers” habang umiiral ang general community quarantine (GCQ).
Una nang inianunsiyo ng Meralco na hanggang 31 Disyembre 2020 na lang ang “no disconnection policy” para sa mga kumukonsuno ng koryente kada buwan na may 200 kilowatt-hour (kWh) o mas mababa pa, ngunit pinahaba pa ng Meralco ang deadline hanggang katapusan ng kasalukuyang buwan.
Nasa higit tatlong milyon ang nakikinabang dito.
“Maliban sa iilan na may negosyong tinatawag nating essential goods and services, karamihan sa mga negosyo ay hindi pa rin normal ang operasyon kaya marami pa rin ang walang trabaho o kaya ay hindi regular ang trabaho. Halos lahat ay nagsisikap na mapunan ang mga pang araw-araw na gastusin,” ayon kay Gatchalian.
Ayon sa survey na isinagawa ng Pulse Asia Research Inc., noong Nobyembre 2020, umabot sa 58 porsiyento sa 2,400 na-survey ang nagsabing nawalan sila ng trabaho o pinagkukunan ng kita kasunod ng pandemya.
Ang pinakaapektado ay mga nasa Class D at E. Nasa 58 porsiyento sa Class D at nasa 64 porsiyento naman sa Class E ang nagsabing nakaranas silang mawalan ng trabaho o pinagkakakitaan.
Higit sa kalahati o 57 porsiyento ng mga taga- Mindanao ang nagsabing nabawasan ang kanilang suweldo o kita samantala 53 porsiyento ng mga nasa Class A, B at C ay nagsabing nawalan din sila ng trabaho o pinagkakakitaan.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 3.8 milyon ang mga nawalan ng trabaho noong Oktubre ng nakaraang taon kung ikokompara sa datos ng parehong buwan ng 2019 na 2.1 milyon.
“Habang hindi pa humuhupa ang pandemya, patuloy pa rin sana ang pagiging maluwag ng distribution utilities (DUs) tulad ng Meralco pagdating sa pagbabayad ng koryente. Humanitarian consideration sana ang pinaiiral upang mas matugunan ang pangangailangan ng marami,” ayon kay Gatchalian, na ang panawagan ay kasunod ng pagpuputol ng Meralco ng koryente sa mga hindi pa nakapagbabayad ng kanilang bill.
“Hindi pa napapanahon para ipatupad ang nakagawiang paniningil sa due date ng bill ng koryente lalo na sa mga low-income consumers. Katatapos lang ng Pasko at marami ang pinilit na ipagdiwang ito sa abot ng kanilang makakaya. Mas makabubuting palawigin pa ang ‘no disconnection’ policy hanggang matapos ang quarantine,” ayon kay Gatchalian.