HINIMOK ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senate President Vicente “Tito” Sitto III na magkaisa para ganap na maipatupad ng pamahalaan ang road map sa bakuna kontra CoVid-19.
Ayon kay Go, kung patuloy ang pagkakaroon ng iringan sa pagitan ng dalawang sangay ng pamahalaan ay tiyak na magkakaroon ng epekto sa ating programa sa pagbabakuna laban sa CoVid-19.
“Alang-alang po sa kapakanan ng ating bayan at ng mahihirap nating kababayang Filipino, I am appealing to President Duterte and to Senate President Sotto na magkaisa na lang po tayo para makapag-umpisa na po ng pagbabakuna,” ani Go.
Paliwanag ni Go, sumagot lang ang Pangulo kung ano po ang nabasa niya sa isang column at hindi rin niya naman kontrolado ang nasa isipan ng ating Pangulo.
Ngunit sa kabila nito ay ipinag-utos ni Pangulong Duterte kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr., bigyan ng detalye ng kasunduan si Sotto upang matanggal na ang pagdududa ukol sa transaksiyon ng pamahalana sa mga kompanya ng mga bakuna at para na rin sa transparency.
“Kausap ko po si Pangulo, at inatasan niya si Secretary Galvez na ipaalam po ang kasunduan kay Senate President Sotto, at nagkausap na rin po kami ni Senate President ukol dito, para magkaroon po ng transparency,” dagdag ni Go.
Bukod dito hiniling din ni Go kay Galvez na ipaliwanag at ipaintindi nang malinaw at klaro sa publiko ang proseso ng pagbabakuna at kung paano ito bibilhin ng pamahalaan nang sa ganoon ay mawala rin ang pagdududa ukol sa bakuna.
“Para wala nang duda. The more na hindi tayo magkasundo dito, the more maantala, the more matatagalan,” pag-alala ni Go.
Iginiit ni Go, kawawa ang sambayanang Filipino lalo ang mahihrap at frontliners na dapat unang makinabang sa bakuna.
“Kawawa ‘yung Filipino. Hindi tayo magkasundo dito sa taas, ‘yung nasa baba ‘yung nagiging apektado at kawawa. Nag-suggest nga ako kung puwede n’yo bang ihayag,” dagdag ni Go.
(NIÑO ACLAN)