INAMIN ni Senate committee on health chairman Senator Christopher “Bong” Go wala siyang pinipiling CoVid-19 vaccine at handa siyang maunang magpabakuna kung sakaling may available na.
Ayon kay Go, ang mahalaga ay safe na bakuna habang dapat aniyang unahin ang mahihirap dahil sila ang kailangan lumabas para magtrabaho.
Binigyang diin ni Go, dapat ipakita ng gobyerno sa taong bayan na magtiwala sa bakuna sa pamamagitan ng pangunguna sa pagpapaturok.
Una nang hinamon ni Go ang mga opisyal ng gobyerno na manguna sa pagpapabakuna para maalis ang takot ng mga tao sa mga bakuna dulot ng mga nakalipas na pangyayari.
Matatandaan na pinamamadali ng administrasyon ang pagbili ng bakuna para masimulan na ang pagbabakuna sa mga mamamayan ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Go, pinag-aaralang mabuti ng gobyerno ang kaligtasan ng bakuna.
Ang pahayag ni Go ay batay sa naging puna ng nasa minoryang senador.
Sinabi ni Go, ang mga bakuna na bibilhin ng gobyerno at ng private sector ay kailangan ng Emergency Use Authorization at dapat pumasa sa clinical trials.
Ayon kay Go, hindi ito sa nagiging choosy ang gobyerno kundi nagsisiguro lang habang mayroong vaccine panel of experts na mag-aaral bago aprobahan ang EUA.
(NIÑO ACLAN)