IPINABABASURA ni Senadora Leila M. de Lima ang isa sa tatlong kasong isinampa sa kanya sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 dahil sa kawalan ng ebidensiya na nagsasangkot sa kanya sa bentahan ng ilegal na droga sa Bilibid.
Noong 7 Enero, inihain ni De Lima ang “Demurrer to Evidence” sa Criminal Case 17-166, na kapwa akusado niya si Jose Adrian “Jad” Dera.
Sa kanyang Demurrer to Evidence, dapat umanong itigil ang kaso laban sa Senadora dahil wala naman naipresenteng matibay na pruweba laban sa kanya ang prosekusyon, matapos iharap ang 21 testigo at sangkatutak na dokumento sa Korte.
Ayon kay De Lima, hindi na umano kailangang magpatuloy ang kanyang mga abogado sa paghahain ng kanilang depensa sapagkat nananatiling espekulasyon ang mga bintang ukol sa umano’y transaksiyon sa pagitan niya at ni Dera. Hindi na dapat umano sayangin ang oras ng Korte at ni De Lima sa gawa-gawang kaso.
“Wala sa mga testigo ng prosekusyon ang umamin na may personal silang nalalaman o may personal silang pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga,” wika ng Senadora.
Unang sinampahan ng kasong Illegal Tading/Sale of Illegal Drugs ng prosekusyon si De Lima pero binago ito at ginawang “conspiracy” sa transaksiyon sa ilegal na droga dahil sa kawalan ng ebidensiya ukol sa mga drogang ibinenta.
Sa naturang kaso, sinasabing nakipagsabwatan umano si De Lima kay Dera. Humingi umano si Dera ng pera at sasakyan sa drug lord convict na si Peter Co para sa pagtakbo ni De Lima bilang Senador sa eleksiyon noong 2016.
Nakipagtransaksiyon umano si Co gamit ang kanyang mobile phone at ibinigay ang perang kinita sa pagbebenta ng droga kay De Lima sa pamamagitan ni Dera, na nagkakahalaga ng P3 milyon, kasama ang apat na sasakyan.
Ayon kay De Lima, imbes patunayan ng prosekusyon ang paratang nila, lumalabas na ang kaso nila ay tungkol talaga sa kidnapping-for-ransom.
Giit ng kampo ng Senadora, ang mga testigo mismo ng prosekusyon na sina Peter Co, Hans Tan at Sally Serrano ang nagsabing tungkol ang kaso sa pagbabayad ng ransom sa mga tiwaling pulis na kumidnap kay Serrano.
Dagdag ng mambabatas, pinatunayan din ng mga ebidensiya ng prosekusyon na tagumpay ang pinangunahan niyang Bilibid raid noong Disyembre 2014, na sinuportahan ng testimonya ng mga opisyal na humarap sa Korte, gaya ni dating PNP Intelligence Chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Ayon sa salaysay ng mga testigo at ebidensiyang iniharap ng prosekusyon, walang anumang intel o impormasyon na nasagap na nag-uugnay kay De Lima sa ilegal na droga, na kinompirma rin ng testigo nila mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa kabuuan, ayon sa kampo ni De Lima, ipinababasura nila ang Criminal Case No. 17-166 laban sa Senadora sa mga sumusunod na kadahilanan: kabiguang patunayan ang pagkakasangkot ng akusado sa bentahan ng ilegal na droga; kawalan ng ebidensiya ukol sa pakikipagsabwatan; kawalan ng ebidensiya ukol sa ilegal na transaksiyon; matibay na ebidensiya ng pagiging inosente ng akusado; paglabag sa karapatan ng akusado para sa due process, at kuwestiyonableng “probative value” ng mga testimonya.
Halos apat na taon nang nakakulong si De Lima na nabilanggo noong 24 Pebrero 2017 dahil sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanya ng kasalukuyang gobyerno.
Kaugnay nito isang araw matapos umapela na ibasura ang isa sa tatlong gawa-gawang kaso laban sa kanya, nanawagan muli si De Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 na ibasura na rin ang isa pang drug case laban sa kanya dahil bigo ang prosekusyon na magpresenta ng matibay na ebidensiya.
Naghain ang kampo ni De Lima ng “Demurrer to Evidence” o pagpapabasura sa Criminal Case No. 17-165 nitong 8 Enero na hinaharap niya ang paratang ng umano’y pakikipagsabwatan sa bentahan ng ilegal na droga sa Bilibid.
Kapwa akusado niya rito ang dating driver na si Ronnie Dayan.
Para sa kampo ni De Lima, matapos ang mahigit tatlong taon ng paglilitis, walang naipakitang ebidensiya mula sa mga testimonya ng mga testigo na magdidiin sa Senadora.
Matatandaan, binago ng prosekusyon ang nauna nitong isinampang kaso laban sa senadora, mula sa “illegal drug trading” ay ginawa itong “conspiracy to trade illegal drugs” dahil sa kawalan ng patunay na may drogang ibinenta.
Sa Criminal Case No. 17-165, inakusahan si De Lima sa pagtanggap umano ng P5 milyon noong 24 Nobyembre 2012 at P5 milyon noong 15 Disyembre 2012 mula sa transaksiyon ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison para pondohan ang pagtakbo sa pagka-Senador ni De Lima.
(NIÑO ACLAN)