TARGET ng pamahalaan na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Filipino sa loob ng taong kasalukuyan ngunit hanggang ngayon ay wala pang naaaprobahang bakuna ang Food and Drug Administration (FDA).
Lumabas ito sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamunuan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, matapos aminin nina CoVid-19 czar Carlito Galvez, Jr., at Health Secretary Francisco Duque III.
Inamin nina Duque at Galvez na wala ni isa mang kompanya na naka-develop ng bakuna laban sa CoVid-19 ang naaprobahan o nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA).
Inamin ni Galvez, target ng pamahalaan na makakuha ng 148 milyong doses ng bakuna para sa bilang ng mga Filipino na mabakunahan.
Tinukoy ni Galvez, kukunin ang pondong pambili ng bakuna mula sa 2021 General Appropriation Act (GAA), Bayanihan Act 2, at sa ilang bilateral, tripartite at multilateral agreement.
Binigyang-diin ni Galvez, mahigpit na bilin ng Pangulong Rodrigo Duterte na walang maiiwanan at walang iiwanan.
Ibinunyag ni Galvez, mayroon nang reserved order na 30 milyong doses ng bakuna ng Nonavax ng kompanyang Serum Institute sa India, ang bakunang ginamit ng Estados Unidos, Mexico, at Barhain.
Nauna rito, bumili ang bansa ng bakuna sa Astra Zeneca ng 2.6 milyong doses mula sa Oxford University.
Sinabi ni Galvez, mayroong pito hanggang walong pharmaceutical company ang maaaring pagkuhaan ng bakuna.
Tiniyak ni Duque, mayroong National Deployment and Vaccination Plan ang pamahalaan upang matiyak na magiging matagumpay ang pagbibigay ng CoVid vaccine sa mga Filipino.
Sinabi ni Duque, maaaring masimulan ang pagbabakuna sa bansa sa 1st quarter ng taon o sa Pebrero.
Batay sa prosesong tinukoy ni Duque, una kailangan munang magparehistro ang magpapabakuna sa pamamagitan ng QR Code Scan o daraan sa health protocols, pangalawa ay sasailalim sa health education briefing o seminar, screening mula sa kanyang medical story, immunization card at pang-lima surveillance at recording.
Iginiit ni Duque, hindi agad pauuwiin sa loob ng isang oras ang isang taong nabakunahan upang sa ganoon ay ganap siyang maobserbahan.
Aniya, nakahanda ang pamahalaan sa maaaring maging reaksiyon sa taong nabakunahan.
Inamin ng kalihim, maraming tao ang kakailanganin katulad ng mga doktor, nurses, midwife, health staff, at ilang volunteers at indibidwal.
Tinukoy ni Duque na gaganapin ang pagbabakuna sa mga ospital, barangay health center, clinic ng mga paaralan, ng mga kulungan, at ilang pribadong clinic.
Sa ngayon, sinabi ni Duque, mayroong 4,512 fixed vaccination site sa buong bansa upang matiyak na agarang maibibigay ang bakuna sa sandalling dumating sa bansa.
Tumanggi si Galvez na tukuyin kung magkano ang presyo ng bawat bakuna at ilan ang kanilang order na doses sa iba pang mga kompanya.
(NIÑO ACLAN)