IGINIIT ni Senadora Imee Marcos na dapat agad tutukan ng gobyerno ang posible pang pagtaas ng mga kaso ng CoVid-19 na maaaring lumobo sa 4,000 kaso kada araw, na una nang binabala ng health experts.
“Ilang buwan pa ang hihintayin bago ang maramihang pagbabakuna at ang EUAs (emergency use approvals) ay nakatengga pa rin. Ang unang dapat harapin ay maiwasang tumaas pa ang posibleng tamaan ng coronavirus dahil sa mga nakasanayang fiesta at kapos na kapasidad ng mga ospital dahil sa pagpapalit ng mga tauhan na kadalasan tuwing buwan ng Enero,” ani Marcos.
“Ang Aklan ay kasado na para sa kanilang Ati-Atihan, may Dinagyang sa Iloilo, at Sinulog sa Cebu sa mga darating na araw. Nariyan din ang Panagbenga sa Baguio sa unang bahagi ng Pebrero,” diin ni Marcos.
Dagdag ni Marcos, “ang paulit-ulit na backlog sa pagre-report ng mga resulta ng CoVid-19 test ay nagpapalabo lang sa larawan ng kasalukuyang infection rate sa bansa.”
Maging ang DOH ay aminadong mahina ang kapasidad ng mga ospital tuwing buwan ng Enero kung kalian nagpapalit ng mga tauhan, natatapos ang mga kontrata, at maaaring hindi ma-renew ang ilang job orders, dagdag ni Marcos.
“Ano ba talaga ang ating plano laban sa CoVid habang naghihintay ng bakuna?” tanong ni Marcos.
“Dapat magsimula na tayong mag-recruit ng mas maraming doktor, nurse, at medical volunteers para dagdagan ang kapasidad ng ating mga ospital, dahil hindi pa nabubuo ang hinihilng natin na medical reserve corps,” ani Marcos.
Isinusulong ni Marcos ang pagbubuo ng isang medical reserve corps noon pang Hunyo sa ilalim ng Senate Bill 1592, pero hindi ginawang prayoridad ang nasabing panukala.
(NIÑO ACLAN)