nina KARLA OROZCO at NIÑO ACLAN
IGIGIIT ng pamilya ng napaslang na 23-anyos flight attendant ang independent post-mortem report mula sa ibang medico-legal.
Inihayag ito ni Brick Reyes, abogado at tagapagsalita ng pamilya ng biktimang si Christine Angelica “Ica” Dacera, 23 anyos, sa press conference na ginanap nitong Martes ng hapon.
Pinaniniwalaang ang paggigiit ng pamilya Dacera na magkaroon ng independent post-mortem medico-legal report ay dahil sa resultang inilabas ng PNP Crime Laboratory Office na umiikot ngayon sa isang chat group sa social media.
Base sa nasabing medico-legal report, namamaga ang kaselanan ng biktimang si Dacera na may 3, 6, at 9 o’clock deep healed lacerations.
Ibig sabihin umano, bago namatay ang pasyente ay ilang beses nakaranas ng sex.
Nakita rin ang turok ng karayom sa kamay na hinihinalang pinagturukan ng droga.
Bukod pa ito sa napakaraming galos, sugat, at pasa sa binti ng biktima.
Sa panig ng ina ni Dacera, nais niyang magpakita ang mga kasama ni Ica sa nasabing hotel kung wala silang kasalanan.
“If you’re innocent, then come out,” hamon ng ina ni Dacera.
“It hurts to accept what happened to my daughter. The only thing I can’t do is I want to hug my daughter, but her life is no more,” nagdadalamhating pahayag ng ina.
Sa naunang ulat, sinabing natagpuan si Dacera ng mga kaibigan at staff ng hotel na walang malay sa bathtub ng isang kuwartong inookupa ng grupo, noong gabi ng 1 Enero 2021, bago dinala sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Si Ica, ikalawa sa apat na magkakapatid, ay nagtapos na cum laude sa University of the Philippines Mindanao.
Noon pa man ay pangarap maging flight attendant ng 23-anyos na si Dacera upang makasama ang buong pamilya sa paigbiyahe sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Sa naunang ulat, dakong 12:30 am nitong 1 Enero 2021 nang mangyari ang insidente sa loob ng isang unit sa City Garden Grand Hotel sa Kalayaan Avenue, Barangay Poblacion, Makati City.
Base sa isinagawang imbestigasyon, ang biktima kasama ang kapwa niya cabin crew at kaibigan na si Rommel Galido, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, isang fitness instructor, at John Dela Serna ay nag-check-in sa Room 2209 para magselebra ng bagong taon at doon nag-inuman.
Umaga dakong 10:00 am nang madiskubre ni Rommel na walang malay ang biktima at pilit nitong ginigising ang dalaga ngunit hindi gumagalaw kaya tinawag sina De Guzman at Dela Serna na nagpatulong sa staff at dinala sa clinic ng hotel ang biktima para sa cardiopulmonary resuscitation (CPR).
Nagawang isugod sa Makati Medical Center ang babae ngunit ideneklarang dead on arrival.
Sa pahayag ni Rommel, nang magising siya ay nakita niyang nakatulog sa bath tub ang biktima kaya kinumutan ito saka bumalik sa pagtulog.
Nang magising muli si Rommel ay nakita na nangingitim na ang labi ng biktima at walang malay.
Ayon kay Makati City Police Chief, P/Colonel Harold P. Depositar, ipinaalam ng Makati Medical Center (MMC) ang kaso ng pagkamatay ng biktima sa pulisya ng Makati dakong 5:00 pm nitong 1 Enero 2021.
Pinuntahan agad ng SOCO ng Makati Police ang Room 2209 para sa imbestigasyon at nakipagtulungan ang management ng City Grand Hotel kaya nakakuha sila ng footages ng closed circuit television (CCTV) sa pinangyarihan.
Aniya, sa pagsusuri sa bangkay, may abrasions at hematoma o mga pasa sa hita at tuhod habang inaalam pa kung may posibleng panghahalay na naganap bagamat hinihintay ang official results ng isinagawang medico legal ng Philippine National Police (PNP) at toxicology results kung may alcohol o droga ang bangkay.
Hawak ng pulisya ang ulat na ang cause of death ay ruptured aortic aneurysm ngunit ito ay secondary lamang.
Ayon kay Depositar, bukod sa magkakaibigan, may dumating pang ibang kaibigan ang biktima kaya nagdagdag ng isang kuwarto bukod sa Room 2209.
Ang ibang kasama sa party ay nag-uwian na matapos ang inuman habang ang iba ay natulog sa isa pang kuwarto.
Sa kanyang posts sa social media makikitang 11 kaibigang lalaki ang kanyang mga kasama na kung tawagin niya ay “my loves.”
Kinompirma ng Makati City police na 11 kaibigan ni Dacera ang kasama niya — “a mix of gays and bisexuals.”
Ayon kay Makati City police chief, Col. Depositar hindi pa nila masasabing rape kung walang testimonya mula sa mga testigo.
Nabatid din sa awtopsiya na ang ininom ni Dacera ay maaaring nilagyan ng droga.
Sinabi ni Reyes, ang alam ni Dacera ay tatlong kaibigan lamang ang kasama niya noong gabing iyon.
Idiniin ni Reyes kaugnay ng findings na aneurysm: “They didn’t factor in her hematoma. We want an independent post-mortem report from a different medico-legal.”
“We have more than enough probable cause (for rape) for the fact she sustained these injuries in her legs and arms,” dagdag ni Reyes.
Base sa ulat na inilabas ng Makati Police, iimbestigahan ang mga kasama ni Dacera sa hotel na kinilalang sina John Pascual dela Serna, 27 anyos, residente sa Makati City; Rommel Galido, 29 anyos, cabin crew, residente sa Pasay City; John Paul Halili, 25 anyos, duty manager ng City Garden Hotel; Gregorio Angelo Rafael de Guzman, fitness instructor, sinabing anak ni Claire dela Fuente; Clark Rapinan at Valentine Rosales, pawang taga-Taguig; Mark Anthony Rosales, residente sa San Juan; Rey Englis, residente sa Pasay City; Louie de Lima at Jammyr Cunanan, kapwa empleyado ng PAL; at isang Eduardo Madrid.
Tatlo sa kanila ay sinabing nasa kustodiya pa ng Makati City police department.
Ayon kay Reyes, “Drugs were used on Christine and she was abused prior to her death. That is why we charged the respondents with rape and homicide.”
“We are disputing the findings that the death was caused by the aneurysm. They didn’t cite the bruises found on her. We are seeking another post-mortem report from another medico,” pahayag ng isang Paolo Tuliao, isa pang abogado ng pamilya Dacera.
Naghahanda na rin ng reklamo laban sa hotel ang pamilya dahil sa pagpayag nilang nasa isang kuwarto ang 9 katao, malinaw na paglabag sa general community quarantine alinsunod sa pinaiiral ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
CITY GARDEN HOTEL
PINAGPAPALIWANAG
HININGAN ng paliwanag ng Department of Tourism (DOT) ang City Garden Grand Hotel sa lungsod ng Makati kung bakit hindi sila dapat suspendihin dahil sa posibleng paglabag bunsod ng pagtanggap ng mga bisita “for leisure purposes” sa gitna ng pandemya.
Sa nasabing hotel natagpuang patay ang flight attendant na si Christine Dacera noong Bagong Taon.
Sa isang liham, inatasan ni DOT regional director Woodrow Maquiling, Jr., ang pamunuan ng hotel na magpaliwanag kung bakit tumanggap sila ng mga guest kahit na ipinagbabawal ito sa mga establisimiyentong ginagamit bilang quarantine o isolation facility.
“It has come to the attention of the DOT that the demise of a Philippine Airlines flight attendant allegedly occurred during a party held in your establishment on 31 December 2020. We understand based on reports that several individuals have checked-in or spent the evening in one of your rooms on the said date,” saad ng DOT.
Kung hindi aniya magbibigay ng eksplanasyon ang hotel, sinabi ng ahesiya na maaari silang masuspende o bawian ng license to operate.
Sa ngayon, wala pang tugon ang pamunuan ng establisimiyento tungkol dito.
(KARLA OROZCO)