“AT huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.”
Ang mga salitang iyan mula sa Biblia ang naging laman ng puso ni Gary Sta. Ana sa pagtulong niya sa kapwa-tao na nangangailangan.
Mula noong 2016 hanggang sa kasalukuyan ay aabot na sa 10,000 katao ang nahatiran niya ng tulong sa pamamagitan ng wheelchair, tungkod at iba pang pangangailan ng may sakit o may kapansanan.
Umabot na rin sa 3000 katao ang nabigyan niya ng food pack noong kasagsagan ng lockdown dahil sa CoVid-19 at 500 frontliners na pawang mga barangay tanod ang nabigyan ng cash assistance.
Dahil sa tunay na malasakit sa kapos-palad ay sinasadya niya talaga sa tahanan ang taong humihingi sa kanya ng tulong upang iabot ang pangangailangan nito.
“Ayaw nating makaragdag pa sa paghihirap ng taong nangangailangan, ‘yung tipong pipila ka pa. Ang tulong na kaya nating ipagkaloob ay inihahatid natin mismong sa kanilang tahanan,” wika ni Sta. Ana.
Kilala sa distrito uno ng Pasig City si Gary Sta. Ana sa pagkakawang-gawa kaya maraming may sakit ang lumalapit at humihingi ng tulong na agad naman niyang ginagawan ng paraan sa abot ng kanyang makakaya.