HINDI natin alam kung sadyang nais pahirapan o inadya ng panahon para huwag kalimutan ng mamamayan ang ‘istorya’ ng hinigit na C5 Extension mula sa ‘sipag at taga.’
‘Yan ay dahil sa mabagal, kung hindi man nakatigil na trapiko ng sasakyan, hanggang makarating sa sangandaan ng Multinational Ave., hanggang doon sa Kaingin Road, palabas sa major thoroughfare.
Kung hindi ninyo alam mga suki, ito ‘yung kalsada na ekstensiyon ng C5 na parang lastikong hinigit para umano umabot sa Villar real estate properties gaya nga ng Golden Haven Memorial Park at sa Villar Sipag Complex sa Las Piñas palabas sa Parañaque City.
Noong hindi itinagos ang C5 diyan sa Multinational Ave., patungong Kaingin Road, walang problema ang trapiko ng mga sasakyan sa nasabing lugar. Minsang babagal pero hindi kailanman mabibinbin o titigil nang matagal.
Ang nasabing lugar ay kritikal sa komersiyo ng bansa dahil major thoroughfare ‘yan para sa mga delivery truck and vans mula sa mga paliparan patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Ilang taon na ang problemang ito, pero imbes pagaanin, taon-taon ay laging bumibigat.
Kung dati ay mayroong traffic light sa intersection ng C5 at Multinational Village ngayon ‘waley’ lang.
Saan napunta ang ‘maharlika’ at ‘yayamaning’ traffic lights?!
Wala na ngang traffic lights wala pang traffic enforcer/s at higit sa lahat sa kalsadang ‘yan pinaruta ang malalaking truck.
Dahil diyan, mismong mga residente sa malalapit na subdibisyon o villages ay nagdurusa kapag diyan nagdaraan.
At ‘yung dating daanan nila na wala namang problema, ngayon ay laging makupad o kaya naman ay talagang nakatigil na.
Matagal na itong idinaraing ng mga motorista, residente, at negosyante, na regular na ruta ang nasabing lugar o kaya naman ang iba’y naparaan lamang.
Paano malilimutan ng mga mamamayan ang ‘istorya’ ng sipag at tiyaga kung laging napeprehuwisyo ang kanilang biyahe dahil diyan sa ‘hinigit’ na C5 Extension na tumagos sa major thoroughfares na dating maluwag naman ang trapiko?!
Milyon-milyon ang ginastos ng taxpayers’ money sa hinigit na C5 Extension pero imbes makatulong ay lalo pang nagpabagal at nagpabalam sa komersiyo.
Tsk tsk tsk…