MALULUNGKOT at masasakit na pinagdaanan ng ilang milyong overseas Filipino workers (OFWs) na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili ang naging inspirasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) para isulong ang “anti-kafala” campaign simula pa 2017.
“Ang tapang at malasakit ng mga Filipino sa pangunguna ng Pangulo, mga NGO, mga diplomat, at ang milyon-milyong OFWs na dumanas ng hirap ngunit walang boses para lumaban ang naging inspirasyon para sa aming nasa DFA noon na mas paghusayan ang trabaho at tumindig sa mga bansang makapangyarihan upang ipaglaban ang karapatan ng mga nagdusang migranteng Filipino,” sabi ni dating Foreign Affairs Secretary at ngayo’y Taguig-Pateros 1st District Rep. Alan Peter Cayetano sa isang pahayag.
Ikinalulungkot ni Cayetano na sa kabila ng pagtawag sa OFWs na mga bagong bayani sa loob ng ilang dekada, ngayon lamang sila naipaglaban nang ganito kasigasig sa pamamagitan ng pagsusulong sa reporma ng kafala system sa Middle East.
Tinawag ni Cayetano na “victory against oppression” ang aksiyon ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) para paluwagin ang mga patakarang sumasaklaw sa foreign workers kabilang mga mga migranteng Filipino.
Ipinahayag ng KSA nitong 4 Nobyembre 2020, simula sa 14 Marso sa sunod na taon, ang mga migranteng manggagawa ay hindi na mangangailangan ng permiso mula sa kanilang mga amo kung lilipat ng trabaho, magbibiyahe at aalis ng kanilang bansa.
Ayon kay Cayetano, ang bagong patakaran ng KSA ay inaasahang magbibigay daan para mas maging maayos ang mga kondisyong paggawa ng OFWs at mabawasan ang mga kaso ng pananakot, pananakit at kahit na ang pagpatay sa ibang mga migranteng mangagawa.
Pinasalamatan niya si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng malinaw na direksiyon noong siya pa ang namumuno sa DFA.
Nagbigay si Duterte ng direktiba na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga OFW at hinayaan ang DFA na maging malaya sa paggawa ng mga aksiyong tutugon sa mga problema ng OFWs.
Malaki ang naitulong ng mga katagang binitawan ni Pangulong Duterte na “ang Filipino ay hindi alipin nino man, kahit saan mang lugar.”
“Ito ang naging marching orders sa DFA na nagtulak upang isulong ang anti-kafala campaign noong 2017,” dagdag ni Cayetano.
Pinasalamatan din ng Kongresista ang mga grupo ng OFWs, NGOs, at mga kawani ng DFA na naniwala at nilabanan ang ugat ng pag-aabuso.
Binanggit din ni Cayetano na si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin ang nagtuloy sa laban para maipatupad ang mga nasimulang reporma para sa mga OFW kaya’t dapat din siyang pasalamatan.
Ang kafala system ay umiral sa Bahrain, Kuwait, Lebanon, Qatar, Oman, Saudi Arabia, at United Arab Emirates.
Pinaniniwalaang ang sistema ay nagamit ng maraming employer sa pag-abuso ng kanilang mga empleyado at nagdulot ng masamang pagtrato sa mga migranteng Filipino.
Isinaad ni Cayetano sa kanyang post sa social media na nagsimula ang kampanya noong kasagsagan ng mga atake ng mga lokal at internasyonal na kritiko sa administrasyon ni Pangulong Duterte dahil sa human rights violations.
Aniya, malinaw ang bilin ng Presidente na dapat bigyan ng proteksiyon ang mga Filipino laban sa mga ilegal na droga lalo ang shabu ngunit dapat din ipaglaban ang mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bahagi ng mundo para makapamuhay din sila nang tahimik at ligtas.