PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang maagap na paghahanda ng local government units (LGUs) bago pa man humagupit ang bagyong Rolly.
Sinabi ni Go, ang mabilis at agarang pre-emptive evacuation ang dahilan kaya naiwasan ang mas matinding sakuna bagamat mayroong mga disgrasya na hindi naiwasan tulad ng pagragasa ng lahar.
Ayon kay Go, dapat palaging tandaan na mas dapat unahin ang kapakanan at buhay ng nakararami sa panahon ng mga kalamidad at pandemya.
Samantala, nanawagan si Go sa mga kababayan na huwag nang pag-aksayahan ng panahon ang pambabatikos ng mga kritiko ng administrasyon na aniya’y nagpapapansin lamang.
Hindi aniya nangangahulugan na nasa Mindanao ang pangulo ay hindi na siya nagtatrabaho. Sa katunayan nakatutok siya sa mga kaganapan mula sa paghahanda hanggang sa paghagupit ng bagyo.
Dagdag ni Go, karapatan din ng Pangulo na dalawin ang puntod ng kanyang yumaong mga magulang at iba pang mahal sa buhay.
(CYNTHIA MARTIN)