NABUKO ng mga awtoridad ang pagdadala ng baril, bomba at mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu ng 29-anyos lalaki nang sitahin ng pulis kasama ang sinabing live-in partner sa paglabag dahil sa health protocols kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Kinilala ni Taguig city police chief, Col. Celso Rodriguez, ang mga suspek na sina Hojieffee Esmael, alyas Faisal/Ipay, at Carmina Orellana, alyas Mimay, 27, kapwa nakatira sa M.L. Quezon St., Purok-3, Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.
Sina Esmael at Orellana ay mahaharap sa patong-patong na kasong paglabag sa RA 11332; RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions); RA 9516 (Illegal Possession of Explosive) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Base sa ulat, dakong 8:30 pm, nagsagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Intelligence Section sa pangunguna ni P/CMSgt. Pacleb nang mamataan at sitahin ang dalawang suspek na walang suot na face mask sa isang eskinita.
Tinangkang tumakas ni Esmael nang lapitan ng mga pulis ngunit napansin na ang nakasukbit na baril sa kanyang baywang pero agad din nasakote at nakuha ang isang kalibre .45 pistol na may apat na bala, isang sling bag na naglalaman ng isang pakete ng hinihinalang shabu at isang cartridge ng 40 mm explosive.
Nakuha rin kay Orellano ang pink pouch na may dalawang pirasong pakete ng shabu.
Nasa kabuuang 36 gramo shabu na nagkakahalaga ng P244,800 ang narekober sa dalawa.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Taguig Prosecutor’s Office ang mga suspek na magkarelasyon at kasalukuyang nakakulong sa custodial facility ng pulisya.
(JAJA GARCIA)