NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian na isaalang-alang ang pagpapatayo ng matitibay at may sapat na pasilidad na evacuation centers para sa mga ililikas tuwing may kalamidad. Higit sa lahat, dapat ay permanente ito.
“Dapat natuto na tayo base sa naging karanasan natin noong manalasa ang hindi makakalimutang super typhoon na Yolanda at pag-aralang maigi ang mga diskarte sa emergency preparedness. Kinakailangan din mamuhunan sa mga dekalidad na early warning systems upang maiwasan ang mga nasasalanta sa tuwing may bagyo o anumang kalamidad,” ani Gatchalian.
“Tuwing may paparating na bagyo, nabibigyan tayo ng sapat na panahon para maisalba ang ating mga sarili at mga gamit. Sa rami ng bilang na tinatamaan tayo ng bagyo taon-taon, ang pagkakaroon ng maayos na matutuluyan ng mga apektado nating mga kababayaan ay dapat palaging isinasaalang-alang,” dagdag ng senador mula sa Valenzuela.
Layon ng panukalang inihain ni Gatchalian o ang Senate Bill No. 747 na magtatag ng mga ligtas na matutuluyan o evacuation centers sa lahat ng munisipyo at mga lungsod na karaniwang nasasalanta ng mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.
“Panahon na para isantabi natin ang nakagawiang pagpapatuloy sa mga eskwelahan o ‘di kaya ay basketball court ng mga inililikas nating kababayan. Dapat mayroon na silang matutuluyan na permanenteng pasilidad na hindi matitinag ng lakas ng bagyo na umaabot sa 320 kilometers per hour (kph) o 200 miles per hour (mph) at lindol na may moderate seismic activity na 7.2 magnitude,” pagdidiin ni Gatchalian.
Ipinapanukala ni Gatchalian na dapat may sapat na pasilidad ang mga evacuation center na ito at tiyakin na hindi siksikan ang mga residente para masiguro ang health and safety protocols sa kasagsagan pa rin ng pandemya.
Bukod sa maayos na supply ng tubig at koryente, iminungkahi din ni Gatchalian ang pagtatalaga ng maayos na lugar para sa tulugan, kainan, palikuran, lutuan, labahan, clinic, at isolation area para sa mga taong may mga nakahahawang sakit at sapat na lugar para sa mga alagang hayop.
Sa kanyang panukala, bibigyan ng prayoridad ang mga local government units (LGUs) na karaniwang nasasalanta ng kalamidad at walang sapat na ligtas na evacuation center base sa pagsusuri ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Importante ang pagsunod sa alituntunin ng National Building Code of the Philippines sa pagpapagawa ng mga ganitong estruktura at pagpapahalaga sa mga payo ng mga eksperto nang sa gayon ay masiguro ang matibay na pundasyon para sa kanlungan ng mga biktima ng kalamidad.
“Bigyan natin ang mga biktima hindi lang ng dignidad kundi kapanatagan ng loob sa gitna ng kinakaharap na kalamidad. Dapat masiguro nating nasa maayos na lagay sila. At kung may mga ganitong pasilidad, mas madali natin silang mahikayat na lumikas kung kinakailangan para masiguro ang kanilang kapakanan,” pagtatapos ni Gatchalian. (NIÑO ACLAN)