PINAYOHAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang Inter-Agency Task Force (IATF) na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte para mag-imbestiga sa PhilHealth mess na madaliin ang kanilang ginagawang imbestigasyon at agad irekomenda ang preventive suspension upang sampahan ng kaukulang kaso ang mga dati at aktibong opisyal ng ahensiya na sangkot sa katiwalian.
Ipinaalala ni Go, ang rekomendasyon ng Senado sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 63 noong 20 Agosto 2020 na humikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendehin ang top management ng PhilHealth.
Sinabi ni Go, bilang Chairman ng Senate Committee on Health, nag-aalala siya sa mga alegasyon ng malawakang korupsiyon sa state health insurance agency na may malaking papel sa healthcare system ng bansa.
Ayon kay Go, kung hindi lang magagalit ang human rights advocates, isusulong niyang maputulan ng daliri o kamay ang mga tiwaling opisyal.
Binigyang diin ni Go, karapatan ng bawat Filipino ang mabuhay nang tahimik at hindi dapat napupunta lang sa magnanakaw ang pinaghihirapan nilang pera para may maihulog sa kanilang premium.
Una nang isinulong ni Go na dapat isailalim sa preventive suspension ang mga inaakusahang PhilHealth officials para maprotektahan ang integridad ng ahensiya.
Giit ni Go, pagod na pagod na si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng korupsiyon sa gobyerno dahil para rin itong pandemya na sumisira sa normal na pamumuhay ng mga Filipino.
NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN