IBINEBENTA ng isang hacker ang ‘full access sa Philippine email accounts’ at inilathala ang anunsiyo sa isang Dark Web hacking forum.
Naging dahilan ito para abisohan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang lahat ng empleyado ng gobyerno na inisyuhan ng official email accounts na kagyat na magpalit ng password.
Nakasaad ito sa memorandum na inilabas ni Jose L. Ogrimen, Jr., chief ng IT/EDP Division ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) para sa lahat ng opisyal at empleyado ng kagawaran noong 19 Oktubre 2020.
Ani Ogrimen, inirekomenda rin ng DICT Cybersecurity Bureau ang paggamit ng “Strong password policy and use of multi-factor authentication; Avoid using the same set of credentials on multiple accounts. Use a unique password for each account.”
Ipinayo aniya ng DICT ang hindi paggamit ng government issued emails sa mga hindi opisyal na aktribidad, gumamit ng smartphone at mobile internet kapag nasa labas ng opisina at hindi ang public Wi-Fi ngunit kung hindi maiiwasan ay gumamit ng Virtual Private Networks (VPN) bilang dagdag proteksiyon.
“When transmitting attachments with confidential information, encrypt or password-protect the file before sending via email.”
Pinag-iingat din ang lahat sa phishing emails at agad na i-report ito sa IT/EDP Division at iwasan ang pagbubukas ng links at attachments mula sa ‘suspicious and unknown sources.’
Napaulat noong Hulyo 2016 na may 68 government websites ang nakaranas ng iba’t ibang uri ng cyberattacks matapos ilabas ang Permanent Court of Arbitration (PCA) ruling na pumabor sa Filipinas kontra China sa isyu ng agawan sa teritoryo sa West Philippines Seas (WPS).
Kabilang umano sa mga naapektohan ang Department of National Defense, Philippine Coast Guard, Department of Foreign Affairs, Department of Health, at ang Presidential Management Staff at ang gov.ph domain registry website.
Noong 30 Setyembre 2020 ay nai-report na na-hack ang National Privacy Commission website.
ROSE NOVENARIO