DAHIL sa pinsalang dinanas ng lalawigan dahil sa bagyong Quinta, idineklara ng pamahalaan panlalawigan ng Oriental Mindoro ang ‘state of calamity.’
Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, tinatayang umabot sa P2.1 bilyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa bagyo.
Naitala rin ng lalawigan ang mahigit sa 5,000 nawasak at 27,000 napinsalang kabahayan.
Dagdag ni Dolor, higit sa P20 milyong halaga ng mga bangka ang nasira dahil sa bagyong Quinta.
Naghahanda umano ang lokal na pamahalaan ng supplemental budget para sa mga apektadong residente.
Aniya, tutuwang ang National Housing Authority sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan, habang nangako ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na tutulungan ang mga lokal na mangingisda na nawalan ng kani-kanilang mga bangka.
Mamamahagi rin ang Department of Agriculture ng mga propagules sa mga magsasaka na napinsala ang mga taniman.
Nagsasagawa umano ang mga awtoridad ng clearing operations at pagpapabalik ng koryente sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Patuloy ang distribusyon ng goods sa mga apektadong pamilya.