BINIGYAN ng go signal ng Palasyo ang paglalabas ng P56.9 bilyon mula sa sa Bayanihan 2 law para ipantustos sa mga programa kontra-CoVid-19 ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kapangyarihan si Budget Secretary Wendel Avisado para aprobahan ang hinihiling na Bayanihan 2 funds ng mga ahensiya ng pamahalaan na nakabinbin sa Office of the President (OP).
“Mas mabuti po ang ginawa ni Presidente. Binigyan niya po ng delegated authority si DBM Secretary (Wendel) Avisado para mag-approve na ng release. So hindi na po iyan daraan sa Office of the Executive Secretary,” ani Roque.
Inaprobahan ni Avisado ang pagbibigay ng pondo para sa Department of Health (P20.575 bilyon); Department of Agriculture (11.632 bilyon); Department of Labor and Employment (P5.1 bilyon); Department of Social Welfare and Development (6 bilyon); National Disaster Risk Reduction and Management Fund (P5 bilyon); Department of Trade and Industry (P100 milyon); at Local government support fund (P500 milyon).
“Lahat po iyan nai-release ng DBM today dahil hindi na po daraan sa Office of the President (OP). Delegated na po si Secretary Wendel Avisado to approve the release of these amounts,” sabi ni Roque.
Rose Novenario