IPINASARA ng City Business Inspection and Audit Team (CBIAT) ng Valenzuela ang isang convenience store dahil sa hindi pagsunod sa No QR Code No Entry kaugnay ng paggamit ng contract tracing application ng lungsod.
Kinandadohan ng mga kawani ng CBIAT ang Alfamart sa La Mesa, Ugong dahil sa hindi pagsunod sa itinakdang paggamit ng ValTrace app.
Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, nakasaad sa Valenzuela sa City Ordinance No. 783, Series of 2020 na lahat ng mga kostumer, bisita at empleyado ng mga pampubliko at pribadong establisimiyento ay hindi dapat papasukin nang walang ipinakikitang sariling ValTrace-generated unique personal QR Code.
Ang mga indibiduwal na hindi susunod sa ordinansa ay papatawan ng administrative penalty na P 1,000 sa unang paglabag, P3,000 para sa ikalawa, at P5,000 para sa ikatlo at/o pagkakulong ng hindi lalampas sa 30 araw depende sa korte.
Ang mga establisimiyentong hindi susunod ay pagmumultahin ng P5,000 at suspensiyon ng prankisa o business permit hanggang ang paglabag ay hindi nareresolba sa first offense, P10,000, 24 oras ng community service, at suspensiyon ng prankisa o business permit hanggang ang paglabag ay hindi nareresolba sa second offense, at P15,000 at kanselasyon ng prankisa o business permit sa ikatlong pagsuway.
Samantala, 44 bisikleta at cellphones na may load ang ipinamahagi ng Department of Labor and Employment sa pakikipag-ugnayan sa Public Employment Service Office (PESO) Valenzuela bilang bahagi ng #Freebis Bisekletang Panghanapbuhay program para sa mga kalipikadong indibidwal upang matulungan silang makapagsimula ng kanilang sariling delivery business.
Rommel Sales