UPANG bigyan ng mas mahabang panahon para makapagpakabit ng radio frequency identification (RFID) stickers sa kanilang mga sasakyan, iniurong ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng ‘cashless payment’ sa lahat ng expressway sa bansa.
Ayon kay DOTr Asst. Sec. Mark Steven Pastor, imbes sa 2 Nobyembre, ay iniatras nila sa 1 Disyembre ang pagpagpapatupad ng cashless transactions sa tollgate at sa lahat ng expressway. Ito umano ang huling pagpapalawig.
“Iwasan natin ‘yung kung kailan isang linggo na lang, saka tayo magmamadaling magpunta sa installation sites para magpakabit ng RFID. Now, we are extending the deadline to give further consideration. Let us use the extension wisely,” giit ni Pastor.
Ang desisyon ng DOTr ay upang hindi magkaroon ng volume ng mga sasakyan na magpapakabit ng RFID sa toll stations hanggang linggo.
“Secretary (Arthur) Tugade allowed the extension in order to give motorists, especially infrequent toll road users, more time to comply with the department order, and to prevent the long queues currently being experienced at toll roads in the rush to get the RFID stickers. But, mind you, this will be the last time that we will be extending. No more extension beyond December 1,” ayon kay Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Abraham Sales sa ipinalabas na statement nitong Miyerkoles.
Nabatid kahapon ay humaba ang pila ng mga sasakyang magpapakabit ng RFID para sa mandatory cashless transaction sa Balintawak toll plaza at halos wala nang galawan ang mga sasakyan sa kabila ng anunsiyo ng DOTr na sa December 1 pa ipatutupad ang ‘cashless transaction.’
Simula sa Disyembre ay hindi na tatanggap ng cash payments ang tollways pero magtatalaga pa rin sila ng RFID installation lanes katulad sa NLEX Balintawak kahit tapos na ang deadline.
Almar Danguilan