ISINUGOD ang may 38 katao, kabilang ang ilang mga bata, sa Casiguran District Hospital sa lalawigan ng Aurora matapos magpakita ng mga sintomas ng pagkalason.
Ayon sa isang inang si Julie Ann Jandok, nahihilo ang kaniyang anak, nanghihina, namumutla at nagsusuka kaya dinala niya sa pagamutan.
Pagdating sa Casiguran District Hospital, nalaman niyang 37 iba pang pasyente ang nagpakita ng parehong mga sintomas.
Nabatid na kumain sila ng sorbetes bago sumakit ang tiyan, nagsuka, at nagtae ang mga pasyenteng nasa edad 1-anyos hanggang 19-anyos.
“Ang nakita ko sa apo ko, parang namumuti na ang labi. Pinagpapawisan at saka nagsusuka,” ani Armando Fernandez, lolo ng isa sa mga pasyente.
Pinauwi at idineklarang wala na sa panganib ang mga pasyente matapos lapatan ng lunas sa pagamutan.
Ayon kay Mang Apolinario, tatay ng tindero ng sorbetes, maaaring dahil sa gata ng niyog na ginamit na sangkap dito ang dahilan ng kanilang pagkalason.
Aniya, hindi agad nailuto ang sorbetes dahil nawalan ng koryente at hindi nila akalaing magiging dahilan ito ng pagkakasakit ng mga biktima.