KASALUKUYANG iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang Filipina na iniulat na nahulog mula sa ikaanim na palapag ng isang gusali sa Sharjah, Dubai, UAE, nitong Linggo ng madaling araw, 25 Oktubre.
Ani Consul General Paul Raymund Cortes, nakikipag-ugnayan na sila sa kaanak at ipinoproseso ang pag-uuwi sa labi ng biktima.
Ayon sa mga balita ng lokal na media sa Dubai, nahulog ang 40-anyos Filipina mula sa balkonahe ng isang gusali sa Al Majaz, isang cosmopolitan waterfront area sa Sharjah.
Ayon sa ulat ng pahayagang The National, naipaalam sa Sharjah Police ang insidente dakong 3:00 am noong Linggo, at nagpadala ng ambulansiya sa gusali kung saan natagpuang ng paramedics na wala nang buhay ang biktima.
Lumabas sa pahayagang Al Ittihad, ipinag-utos ng isang prosecutor na dalhin ang labi ng biktima sa crime laboratory upang matukoy ang totoong sanhi ng kamatayan, habang iniimbestigahan ng Al Buhaira Police Station ang insidente.
Sa Gulf News, sinabing nakatira ang Filipina kasama ang isang Arabong lalaki sa isang apartment sa nasabing gusali na lingid sa kaalaman ng may-ari.
Matapos umanong ipaalam ng guwardiya ng gusali, nagtungo ang may-ari sa apartment at nakita ang dalawa na nagsi-shisha.
Tumawag umano ng pulis ang may-ari na agad namang nagresponde.
Pagkakita umano ng babae sa mga pulis, bigla siyang tumalon mula sa gusali upang takasan ang mga pulis.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang Arabo at sumasailalim sa interogasyon.
(Halaw sa ulat ni JOJO DASS)