NAGDAGDAG ng checkpoint at nagtalaga ng karagdagang pulis ang Cotabato City Police Station matapos sumabog ang isang granada sa isang residential area sa lungsod ng Cotabato, sa lalawigan ng Maguindanao, noong Lunes ng gabi,
26 Oktubre.
Bagaman walang nasaktan sa insidente, nagdulot ito ng takot sa mga residente ng San Pablo Village,
sa naturang lungsod.
Ani P/Capt. Rustom Pastolero, hepe ng Cotabato City Police Station 2, nitong Martes, 27 Oktubre, iniimbestigahan nila ang insidente upang matukoy ang mga nasa likod nito.
Nakita umano ng mga saksi ang dalawang lalaki bago ang pagsabog, na nakatayo sa harap ng bahay ni Engr. Sukarno Sulaik, 50 anyos, empleyado ng Ministry of Public Works and Highways – Bangsamoro Region in Muslim Mindanao (MPWH-BARMM), at residente sa San Pablo Village, Barangay Rosary Heights 11, sa naturang lungsod.
Sa pahayag ng parehong saksi, nagmamadali umanong umalis ang dalawa sakay ng motorsiklo pasado 6:00 pm saka biglang may narinig silang malakas na pagsabog sanhi ng granadang iniwan malapit sa drainage sa harap ng bahay ni Sulaik.
Sinabi ni Sulaik sa pulisya, siya ay ordinaryong empleyado lamang ng gobyerno at wala siyang nakakaaway.
Dagdag ni Pastolero, nakita ng mga bomb expert ang safety lever ng fragmentation grenade malapit sa bahay ng biktima.
Ani P/Col. Richard Fiesta, city police director, nagtalaga sila ng 300 bagong pulis mula sa Police Regional Office-BARMM upang palakasin ang 250-kataong puwersa ng pulisya sa lungsod.