BINAWIAN ng buhay ang isang 70-anyos lola matapos madaganan ang kaniyang kubo ng natumbang puno ng niyog sa kasagsagan ng pananalanta ng bagyong Quinta sa bayan ng Mauban, lalawigan ng Quezon, noong Lunes ng tanghali, 26 Oktubre.
Kinilala ang biktimang si Gloria Rivas, 70 anyos, residente sa Sitio Munting Ilog, Barangay Cagsiay 3, sa naturang bayan.
Si Rivas ang kauna-unahang naitalang namatay sa lalawigan ng Quezon dahil sa bagyong Quinta.
Nabatid na natutulog ang matanda sa loob ng kaniyang kubo dakong 2:00 pm, nang madaganan ng nabuwal na puno ng niyog dahil sa malakas na paghagupit ng hangin na naging sanhi ng kaniyang kamatayan.
Agad dinalohan ng mga residente at mga opisyal ng barangay ang matanda ngunit huli na ang lahat.