NANATILING nakalubog sa baha ang may 22 barangay sa mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Norzagaray dahil sa high tide at ulang dulot ng bagyong Quinta, na nagresulta sa pagpapawala ng
tubig sa mga dam sa lalawigan ng Bulacan.
Dahil dito, inilikas ang 10 pamilya sa bayan ng Calumpit bunga ng pagtaas ng baha sa mga barangay ng Calizon, San Miguel, at Meysulao na umabot sa apat na talampakan ang taas.
Iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan na nagpakawala ng tubig ang Bustos Dam at Ipo Dam noong Lunes, 26 Oktubre dahil umabot na sa spilling points.
Ayon sa ulat ng PAGASA Hydrometeorology Division, ang Ipo Dam na may normal high water level na 101 metro ay umabot sa 101.23 metro dakong 6:00 am kamakalawa.
Hanggang kahapon, sa ulat pa rin ng nasabing tanggapan, bukas pa ang isang gate ng Ipo Dam na nagpapakawala ng 0.20 sentimetro ng tubig kaya nakararanas pa rin ng pagbaha sa ilang bayan sa Bulacan.
Samantala, ang Angat Dam na nasa Bulacan din ay iniulat na mula sa water level nito noong Lunes na 194.10 metro, nitong Martes, 27 Oktubre, ay umakyat sa 198.80 metro, mas mataas sa minimum operating level na 180 metro.
Umabot din ang water level ng Candaba Swamp sa Pampanga River sa 4.93 metro, na bahagya na lamang sa critical level na 5 metro, na nakaapekto pa rin sa pagbaha sa Calumpit at kalapit bayan nitong Hagonoy.
Micka Bautista