NATUKLAP ang mga bubong, nabuwal ang mga puno at mga poste ng koryente at bumaha sa maraming lugar sa lalawigan ng Oriental Mindoro, nang hagupitin ng malalakas na hangin at matinding pag-ulan dulot ng bagyong Quinta nang mag-landfall nitong Lunes ng umaga, 26 Oktubre.
Sa kanilang Facebook post, sinabi ng mga awtoridad ng Oriental Mindoro na nagsasagawa na sila ng clearing operations sa mga kalsadang may mga nabuwal na puno.
Sa Puerto Galera, naranasan ang malalaking alon kasabay ng malakas na hangin at ulan dakong 6:00 am, kahapon.
Samantala, tiniyak ni Governor Bonz Dolor, 24-oras na nagbabantay sa sitwasyon ang mga tauhan at responder ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDDRMO).
Aabot na sa libo-libong pamilya ang sapilitang inilikas mula sa kanilang mga tahanan hanggang nitong Lunes.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), panglimang beses na nag-landfall ang bagyong Quinta sa bayan ng Pola, sa naturang lalawigan, dakong 3:30 am, kahapon, habang umaandar patungong West Philippine Sea.
Isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 ang hilaga at gitnang bahagi ng Oriental Mindoro (Mansalay, Roxas, Bongabong, Bansud, Gloria, Pinamalayan, Pola, Socorro, Victoria, Naujan, Calapan, Baco, San Teodoro, Puerto Galera), at hilaga at gitnang bahagi ng Occidental Mindoro (San Jose, Rizal, Calintaan, Sablayan, Santa Cruz, Mamburao, Paluan, Abra de Ilog), kabilang ang Lubang Island.
Napanatili ng bagyong Quinta ang maximum sustained winds nito sa 125 kilometers per hour at bugso hanggang 180 kph, at mananatiling isang bagyo habang binabagtas ang isla ng Mindoro.
Inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Quinta ngayong Martes, 27 Oktubre. ###