APRUB sa palasyo ang pagbili ng Department of Education (DepEd) ng 254 units ng Mitsubishi pick-up na nagkakahalaga ng P355.6 milyon sa panahong umiiral ang CoVid-19 pandemic.
Umani ng batikos mula sa netizens ang pagpapakita ng luho ng DepEd sa pagbili ng 254 units ng pick-up sa halagang P1.54 milyon kada isa para gamitin ng district engineers sa gitna ng mga problemang pasan ng mga guro sa ipinatutupad na blended learning ng kagawaran.
Depensa ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang pondong ginugol para sa mga sasakyan ay bahagi pa ng 2019 budget ng DepEd.
“Lahat po ng napo-procure sa taong ito e matagal na po iyong nasa drawing board. Itong pagbili po ng transportasyon ng DepEd, 2016 pa po iyan na-identify na pangangailangan ng DepEd at ngayon lang po iyan nabili nga ano pero iyan po ay included sa 2019 budget,” aniya sa virtual Palace press briefing kahapon.
“So, hindi po iyan denisisyonan sa panahon ng pandemya. Bago pa po dumating ang pandemya e naaprobahan na po iyang budget na iyan at itong mga sasakyan naman po ay ginagamit po para sa mga DepEd engineers na gumagawa ng classrooms, iyong disaster inspection, module distribution at saka ginagamit din po iyan ng field offices at saka ng iba pang mga opisyal ng DepEd na importanteng makaikot sa panahon ng pandemya,” dagdag niya.
Binatikos ng ilang guro ang nasabing hakbang lalo’t may mga titser at estudyanteng naglalakad nang ilang kilometro sa mapuputik, dumaraan sa mga ilog at bundok, para makarating sa paaralan pero ang mga opisyal ng DepEd ay ibinili ng maluhong sasakyan para makarating sa eskuwela.
Umalma rin ang ilang guro sa kawalan ng suporta sa kanila ng DepEd at kailangan pa nilang magmula sa sariling bulsa ang pambili ng ink at bond paper para sa modules at load para sa internet connection.
Anila, sana ay ini-realign ang budget para sa maluhong sasakyan sa pagkumpuni ng mga paaralan habang walang face-to-face classes.
ROSE NOVENARIO