NAGPAKAWALA ng tubig ang Ipo Dam na nasa bayan ng Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan dakong 8:00 pm nitong Linggo, 25 Oktubre, dahil ayon sa PAGASA, ang hydrological dam situationer ng water level ng naturang dam ay nasa 101.05 metro na.
Mas mataas ito sa normal high-water level na 101 metro at ito ay bunsod pa rin ng ulang dala ng bagyong Quinta.
Bandang 12:00 am nitong Lunes, 26 Oktubre, nagsagawa rin ang Ipo Dam managament ng spilling operation na may initial approximate discharge ng 47 sentimetro.
Kaugnay nito, hanggang kahapon ay inabisohan ang mga residente sa mga mabababang lugar sa Bulacan at malapit sa Angat River mula Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel at Hagonoy na maging alerto sa posibleng pagtaas ng tubig.
Patuloy na tututukan ng PAGASA at Ipo Dam Management ang hydrological condition ng naturang dam hanggang nasa loob ng Filipinas ang bagyong Quinta na nagdudulot pa rin ng pag-ulan.
Micka Bautista